Patuloy ang isinasagawang disinfection. Kuha ng Balanga City LGU
LUNGSOD NG BALANGA — Muling isinailalim sa lockdown ang Balanga City Public Market upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease sa pinakamalaking palengke sa Bataan.
Ang lockdown ay sa loob ng pitong araw namagsisimula ngayong Lunes hanggang Linggo (August 31 – September 6).
Matatandaan na isinailalim din sa modified lockdown ang palengke noong ika-27 hanggang ika-29 ng Agosto para sa disinfection.
Sinabi ng city government na ang pitong araw na lockdown ay isasagawa upang higit na mapaigting ang disinfection ng mga pwesto at pasilidad sa palengke.
Isasailalim din umano sa mandatory swab test ang ilang mga tindera na nagkaroon ng exposure sa mga nauna nang nagpositibo sa Covid-19.
Sa report ng city health office ng ika-30 ng Agosto, may 169 kumpirmadong kaso na ang 57 ay aktibo at lima na ang namatay sa Lungsod.
“Patuloy tayong makiisa sa mga hakbang na ito ng lokal na pamahalaan upang pangalagaan ang kalusugan ng ating mga mahal sa buhay at komunidad,” panawagan ni Mayor Francis Garcia.