Slow traffic sa MacArthur Highway papasok sa Balanga City na dadaan sa isang checkpoint
LUNGSOD NG BALANGA — Waring dahan-dahan nang bumabalik ang sigla sa lungsod na ito ng Bataan sa pangatlong araw ng modified enhanced community quarantine nitong Lunes.
Ito’y kung pagbabatayan ang dami ng sasakyan na biglang nagdulot ng mahabang traffic sa MacArthur Highway papasok sa lungsod mula sa hilagang bahagi ng lalawigan.
Mula sa Tuyo, barangay sa Balanga na halos isang kilometro ang layo sa kabayanan, usad–pagong ang mga sasakyan Lunes ng umaga at inabot ng isang oras bago makalusot sa checkpoint sa bukana ng lungsod.
Sa Diversion Road, sa Balanga pa rin, biglang naglisawan ang mga sasakyan bagama’t hindi panaman kasing-dami noong wala pa ang nakakatakot na coronavirus disease.
Kung noong ECQ ay nakabibingi ang katahimikan sa lugar na ito, nitong Lunes ay maingay na naman ito dahil sa salubungan ng mga sasakyan.
Ang sigla ay unti-unti na ring bumabalik sa mga tindahan ng pintura at automotive stores ganoon din sa ilang hardware. Kung noong Sabado, simula ng MECQ, ay iilan lang ang nagbukas, nitong Lunes ay marami-rami na rin ang bumalik sa kanilang negosyo.
Dagag pa rito ang nagbukasang mga malls at ang dati nang bukas na mga gas stations, botika, fruit stall, at mga food chain bagama’t hanggang sa take out pa lamang din ang mga ito.
Pati sa city health office ay marami ring taong nagpupunta upang kumuha ng travel pass at health certificate.
Sinabi ni Dr. Mariano Antonio Banzon, city health officer, nagbibigay sila ng travel pass para sa essential travel palabas ng Balanga at Bataan.
Ito, aniya, ay kung magpapagamot, may susunduing overseas Filipino worker o stranded na individual, bibili ng pagkain at iba pang importanteng bagay batay sa quarantine pass na ipinagkaloob ng barangay.
Nilinaw ng duktor na ang maaari lamang pagkalooban ng travel pass ay ang mga taong mula 21 hanggang 59 taong gulang lamang.
Sa pagbubukas ng ilang kumpanya na pinahihintulutan ng MECQ, sinabi ni Banzon na marami na ring nangangailangan ng health clearance upang makapasok sa trabaho ang mga manggagawa.