PULILAN, Bulacan (PIA) — Mas pinalapit pa sa kanayunan sa Bulacan ang pagbibigay ng booster shot laban sa COVID-19 ngayong inilunsad ng Department of Health o DOH ang Bakunahang Bayan.
Nasa 118 vaccination sites ang binuksan kung saan kabilang ang mga rural health units at health centers.
Ayon kay Provincial Health Office spokesperson Patricia Alvaro, mayroon ding magsasagawa ng house-to-house na pagbabakuna sa ilang mga barangay.
Iba pa rito mga kasalukuyang vaccination sites sa mga mall, ilang paaralan, gymnasium at convention centers ng mga pamahalaang lokal.
Nasa 169 vaccination teams ang nakadestino sa naturang mga lugar upang magbakuna.
Paliwanag ni DOH Undersecretary Ma. Carolina Vidal-Taiño, ang Bakunahang Bayan ay bahagi ng Pinas Lakas Booster Campaign.
Target ng ahensya na mabigyan ng booster shots ang 90 porsyento ng mga Senior Citizens na fully-vaccinated at 50 porsyento ng pangkalahatang publiko kada lalawigan.