Bakuna kontra rabis, libre na sa Bulacan

    439
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Upang hindi na tuluyang lumobo ang bilang ng kaso ng mga namamatay dahil sa rabis, isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang pagbibigay ng libreng apat na bakuna o full dose vaccine kontra rabis.

    Ayon sa Department of Health (DOH), Pilipinas ang isa sa may pinakamataas na naitalang kaso ng rabis kung saan tinatayang nasa 350-400 na Pilipino ang namamatay dahil dito taun-taon.

    Samantala, 19 naman ang binawian ng buhay sa Bulacan dahil sa rabis noong nakaraang taon ayon sa tala ng Provincial Public Health Office (PPHO).

    Noong taong 2010, dalawang dossage lamang ang maaring makuha ng libre sa Bulacan Medical Center kaya naman malaking bagay ito para sa mga Bulakenyo.

    Ayon sa ilang mga benepisyaro ng programa tulad ni Jose Dionisio, lolo ng nakagat ng aso na si Cedrick Dionisio, walong taong gulang, malaking halaga din ang natipid nila sa bakuna na dati ay binibili pa nila sa botika.

    “Yung pera na dapat sana’y ipinambili pa namin ng bakuna niya eh nailaan namin sa iba pang mga gastusin”, ani pa ni Mang Jose.

    Tuloy-tuloy din ang pagpapalabas ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng PPHO ng mga IEC material upang maipaliwanag at maipaalam ng husto sa mga tao ang mahahalagang impormasyon tungkol sa rabis, gayundin ang pagsasagawa ng libreng bakuna sa mga aso sa buong lalawigan sa pangunguna ng Provincial Agriculture Office.

    Ipinapaalala din ng PPHO na maging responsableng tagapag-alaga ang mga tao: pabakunahan ang mga alagang hayop laban sa rabis kapag ito ay tatlong buwan na at taun-taon pagkatapos; huwag pagalain sa kalsada; at panatiling malinis ang mga alaga.

    Para naman sa mga nakagat o nakalmot ng mga hayop na maaring mayroong rabis, hugasan kaagad ng sabon at tubig ang sugat at obserbahan ang aso ng 14 na araw kung may pagbabago sa asal nito gaya ng pagiging mabangis, tumatakbo ng walang direksyon, nangangagat ng kahit anong bagay, naglalaway ng labis, hindi makakain o makainom ng tubig. Kalimitan namamatay ang hayop sa loob ng 3-7 araw.

    Kapag kinakitaan ng mga ganitong sintomas, kinakailangan ng mabakunahan ang nakagat at kung hindi naman naobserbahan ay pinapayuhang kumunsulta agad sa pinakamalapit na pampublikong pagamutan.

    Kaugnay nito, ilang beses na tinanong ng Punto ang Provincial Agriculture Office (PAO) hinggil sa programa sa aso noong nakaraang taon, ngunit walang naibigay na impormasyon.
    Ayon sa PPHO, ang dapat mag-organisa ng kampanya sa responsible dog ownership sa ilalim ng veterinary office nito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here