Home Opinion Bakit siya yumuko?

Bakit siya yumuko?

987
0
SHARE

DALAWANG BESES daw yumuko si Hesus. Una, nang iharap ang babae sa kanya. Pangalawa, matapos niyang sabihin, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato.” Yumuko daw siya at nagsulat sa lupa.

Ako sa palagay ko, kunwari lang siyang nagsulat. May ibang dahilan kung bakit siya yumuko. Hindi ba ginagawa rin natin ito noong mga estudyante pa tayo? Kapag may mahirap na tanong si titser at tumitingin sa mga estudyante kung sino ba ang nakakaalam sa sagot, sigurado lang iyung iba yuyuko at magsusulat. Pero pag tiningnan mo ang notebook nila, wala namang isinusulat. Kunwari lang na nagsusulat. Para hindi obvious na ang dahilan ng pagyuko ay para makaiwas sa question ni Titser.

So, ano ang dahilan ng pagyuko ni Hesus? Tingnan muna natin ang sitwasyon. Kinaladkad daw ng isang grupo ng mga Eskriba at Pariseo ang isang babaeng diumano’y nahuling nakikiapid para iharap ito kay Hesus. Nasa gitna siya noon ng maraming taong nakikinig sa kanyang pagtuturo. Sabi sa ebanghelyo, ang tunay na pakay ng mga Eskriba at Pariseo ay para hulihin siya sa kanyang sasabihin tungkol sa kaso, para may maisakdal laban sa kanya. Sa madaling salita, hindi talaga ang babae kundi si Hesus ang kanilang pinupuntirya.

Alam naman nila na ayon sa batas ni Moises, hindi lang ang babae kundi pati ang lalaking nahuli sa pakikiapid ang mahahatulan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbabato sa publiko.

Pwedeng kwestyunin ni Hesus kung bakit babae lang ang inaakusahan nila. Kung totoong nakiapid siya, nasaan ang kalaguyo? Di ba dapat pareho silang parusahan ng kamatayan ayon sa batas? Nasusulat iyon sa Leviticus 20 at Deuteronomy 22.

Pero kapag sumagot nang ganito si Hesus, ibig sabihin sumasang-ayon siya sa parusang kamatayan. Kung may isang bagay tungkol sa batas na mukhang hindi komportable si Hesus, isa na dito ang parusang kamatayan para sa mga tipo ng kasalanan na nakalista sa batas ni Moises. Kaya imbes na sumagot, yumuko lang muna siya. Hindi naman kasi lahat ng tanong ay dapat sagutin kaagad, lalo na ang mga tanong na ang datíng ay parang patibong. Kumbaga sa chess, inisip munang mabuti ni Hesus kung saan papunta ang galaw nila.

Isa pang dahilan ng kanyang pagyuko ay upang huwag tumingin sa babae. Ayaw ni Hesus na makisali sa maraming taong humahatol sa kanya. Para kay Hesus, ang pagparusa ay hindi lang sa pambabato nagsisimula. Sa pagtingin pa lang o pagtitig sa akusado parang nahuhubaran na ng dangal ang taong tinititigan. Kusang iniwasan ni Hesus ang tumingin dahil ayaw niyang makiisa sa pagyurak sa anumang natitirang dignidad ng babae. Kaya siya yumuko.

Palagay ko ito ang dahilan kung bakit sa mga tradisyunal nating mga kumpisalan sa simbahang Katoliko, may divider at may kurtina sa pagitan ng pari at ng nangungumpisal. Sa Ingles, ang tawag dito ay “saving face”. Hindi kailangang ipakita ng nagkasala ang mukha niya. Ang pagpapakumbaba niya sa pamamagitan ng pag-amin sa ginawang kasalanan, ang tinig ng pagsisisi at pagnanais na makipagkasundo ay sapat na. Kusang tinatakpan ng pari ng kurtina ang lugar ng nangungumpisal para hindi niya makita ang mukha, kahit kilala pa niya ang boses. Ito’y upang hindi “mawalan ng mukha” (“lose face,” sa Ingles) o mapahiya ang nangungumpisal, upang lumakas ang loob niya sa kagustuhan niyang mapanumbalik ng Diyos ang dangal ng kanyang pagkatao.

Sa Bibliya, sa aklat ng Genesis, sinasabi sa Gen 3:21, bago daw pinalabas sina Adan at Eba mula sa Paraiso, dinamitán muna sila ng Diyos ng balat ng hayop. Ibig sabihin tinakpan muna ang kahubaran nila.

Ang ginagawa ng maraming tao ngayon na panghihiya sa kanilang kapwa-tao sa social media ay walang ipinagkaiba sa sinaunang parusa ng pambabato sa mga makasalanan. Hindi na sa mga plaza o patio kinakaladkad ngayon ang nagkasala kundi sa FB, sa Twitter, Instagram at iba pang plataporma ng social media. Ang kapalit ng mga bato ay mga galít na mukha, malulupit na comments, pagmumura, panlalait, at pambabalahura. Minsan hindi pa sapat sa kanila ang tumingin, ise-share pa ito para mag-viral kahit hindi pa inaalam kung totoo ba o hindi, para makita ng lahat at malubos ang pagpapahiya sa tao sa publiko. Ang ibang kinakaladkad hindi nakakayanan ang pagkapahiya, nadi-depress o nagsu-suicide. Palalampasin ba ng Diyos ang ganitong kalupitan?

Nang tumayo daw si Hesus hindi pa rin siya sa babae tumitingin kundi sa mga kumaladkad sa kanya. Sila ngayon ang hinamon niya nang ganito, “Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato.”

Pagkatapos, muling yumuko si Hesus. Bakit? Itong pangalawang pagyuko niya ay hindi na para sa babae kundi para sa mga ibig bumato sa kanya. Yumuko siya upang bigyan sila ng pagkakataong mag-isip-isip, umatras at umuwi. Parang ang mensahe niya sa kanila ay, “Kung napasubo lang kayo o nadala lang sa panunulsol ng kapitbahay nyo, pwede pa kayong magbago ng isip. Pwede ninyong ibaba ang hawak ninyong mga bato at umalis, HINDI AKO TITINGIN.” Yumuyuko daw ang mga kawayan upang padaanin ang bagyo.

Kaya siguro nasabi ni Hesus sa kanyang sermon sa bundok, “Huwag kang manghusga at hindi ka huhusgahan. Magpatawad ka at ika’y patatawarin. Dahil ang panukat na ginagamit mo para sa iyong kapwa ang siya ring gagamiting panukat sa iyo.”

Sa kuwaresmang ito, isipin natin ang mga biktima ng EJK ng mga nagdaang taon na maaaring hinusgahan natin kahit sa isip lang, na porke’t pinatay ay baka talagang adik, na porke’t adik ay deserving na kaagad ng kamatayan, at basta lang natin tinuring bilang kabawasan sa mga salot ng lipunan. Hindi man natin sila binaril tinitigan lang natin matapos na mabaril. O isipin natin ang mga katulad ni Doc Naty at iba pang nirered-tag, mga taong natatawag na komunista dahil sa malasakit sa mga dukha. Isipin natin ang mga taong kinaladkad at pinagpyestahan sa publiko nang di man lang binigyan ng kahit kaunting palugit ng habag sa pagkayurak ng kanilang dangal bilang tao at kapwa nilikhang kawangis ng Diyos.

Isipin natin na alam ng Diyos ang totoo ngunit nakayuko lang siya upang bigyan tayo ng pagkakataong magsisi at bumitaw sa mga bato ng maling panghuhusga.

(Homiliya para sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, Ika-3 ng Abril 2022, John 8:1-11)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here