Bakit ginagastusan ng napakalaking halaga ang solar car?

    526
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS – Hindi biro ang halagang ginugugol sa paggawa ng isang solar car at pagsali nito sa World Solar Challenge sa Australia.

    Ngunit ang tanong ay bakit ito ginagastusan at tinutustusan ng ibat-ibang kumpanya?

    Ayon kay Tammy Lipana, ingat-yaman ng Philippine Solar Car Challenge Society Inc., (PSCCSI), umaabot sa $600,000 hanggang $2-milyon ang ginugugol ng mga grupong sumasali sa World Solar Challenge, isang taunang karera ng mga solar car sa Australia.

    Ang nasabing halaga ay nakakatumbas ng P24-milyon hanggang P80-milyon kung ang palitan ng pera ay P40 sa bawat dolyar.

    Ang nasabi namang halaga sa piso ay katumbas ng 24 hanggang 80 kotse na nagkakahalaga ng P1-milyon ang bawat isa.

    Para sa PSCCSI, aabot sa $600,000 o P24-milyon ang kanilang kabuuang magugugol mula sa pagbuo sa Sikat II hanggang sa paglahok nito sa 2011 World Solar Challenge sa Oktubre 16 hanggang 23.

    Ang Sikat II ay ang ikatlong solar car na gawa ng Pilipino; at ikalawa na ilalahok sa taunang karera kung saan ay aabot sa 50 pang solar car ang magkakarera mula Darwin hanggang Adelaide sa Australia.

    Ang nasabing karera ay may habang 3,000 kilometro, na ang katumbas ay halos 18 ikot sa 83-kilometrong kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) mula Balintawak hanggang sa Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga.

    Ayon kay Lipana, “nagtipid pa kami, kasi yung other competitors, they are willing to spend more $2-million from building the car to joining the race.”

    Sinabi pa ni Lipana, bukod sa gastos sa materyales na gamit sa pagbuo ng solar car, kasama na rin sa kanilang $600,000 na pondo ang gastos sa pagbibiyahe ng Sikat II patungo sa Australia at akomodasyon at pagkain ng koponan sa likod ng solar car.

    Para sa katanungan kung bakit sa kabila ng malaking gastos at nagbubuo ng solar car ang PSCCSI at isinasali sa karera sa Australia, simple ang naging kasagutan nina Ramon Agustines, pangyulo ng PSCCSI, at ni Jack Catalan, ang team leader ng Sikat II.

    Ayon sa dalawa, nais nilang maipakita ang kakayahan ng mga Pilipino sa larangan ng pagbuo ng solar car.

    Bukod dito, ipinaliwanag nila na ang pagsali sa taunang World Solar Challenge ay isang paraan ng promosyon ng teknolohiya sa paggamit ng enerhiya mula sa araw.

    “We are spending so much just to show to the world na totoo ang potensyal ng solar energy at kaya talaga nitong patakbuhin ang kotse,” ani Agustines.

    Umaasa naman si Catalan na sa patuloy na pag-unlad at paglawak ng paggamit ng solar energy ay lalong bababa ang presyo nito at magiging popular.

    Bukod dito, sinabi rin niya na ang Sikat II ay isang pantawag pansin sa maraming tao na pangalagaan ang kalikasan.

    “Through Sikat II and the World Solar Challenge, we want to increase awareness and consciousness on environmental protection and potentials of renewable energy,” ani Catalan na isa ring guro sa De La Salle University. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here