Home Headlines Bakery, milk equipment ipinagkaloob ng DAR sa isang ARBO sa San Jose...

Bakery, milk equipment ipinagkaloob ng DAR sa isang ARBO sa San Jose City

458
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ipinagkaloob ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang bakery at milk equipment sa samahang Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative (SIPBUMPC) mula sa lungsod ng San Jose.

Ito ay sa ilalim ng programang Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) na layuning makatulong sa seguridad sa pagkain at dagdagan ang kita ng mga magsasaka mula sa pagpapahusay ng kanilang ani at produksyon.

Ayon kay DAR Nueva Ecija PAHP Point Person Angelica Sumait, mayroong soft component at hard component ang mga programang ipinagkakaloob sa mga Agrarian Reform Beneficiary Organizations (ARBOs).

Lubos na pasasalamat ang ipinaaabot ni Simula ng Panibagong Bukas Multi-Purpose Cooperative Chairperson Allan Benitez sa Department of Agrarian Reform na nagkaloob ng mga bakery at milk equipment na nagkakahalaga ng P300,000. Kabilang sa kanilang tinanggap ang tig-isang yunit ng meat grinder at industrial bread slicer, tig-dalawang yunit ng cooling rack at glass display cabinet, at 30 pirasong milk can. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

“Sa soft component nakapaloob ang mga capacity building at training, samantalang mga kagamitan naman ang nakasama sa hard component, katulad ang mga ipinagkaloob sa mga maggagatas ng SIPBUMPC,” paliwanag ni Sumait.

Ang samahan ay tumanggap ng tig-isang yunit ng meat grinder at industrial bread slicer, tig-dalawang yunit ng cooling rack at glass display cabinet, at 30 pirasong milk can na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P300,000.

Ang mga ipinamahaging kagamitan ay grant kaya ang lahat ng mga ito ay ipinagkaloob ng libre sa ARBO nang walang hinihinging kapalit.

Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat ng SIPBUMPC sa natanggap na mga kagamitan mula sa DAR.

“Napakalaking tulong po ito para sa amin, lalo na po na ang mga kagaya naming simpleng samahan ay hindi kayang bumili ng mga ganitong mga kagamitan, kaya po lubos ang aming pasasalamat sa mga ahensiya ng pamahalaan katulad ng DAR na patuloy na tumutulong para mapaunlad ang mga maliliit na kooperatiba,” pahayag ni SIPBUMPC Chairperson Allan Benitez.

Kabilang sa kanilang produkto ay toned milk at baked products, sila rin ay prodyuser ng bigas at iba’t ibang uri ng gulay.

Sa pamamagitan ng programang ito ay hangad na masuportahan ang mga magsasaka na pataasin ang kanilang produksiyon gayundin ay mailapit sa mga institutional market tulad sa Department of Social Welfare and Development na nagsasagawa ng feeding program. (CLJD/CCN. PIA Region 3-Nueva Ecija)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here