Home Headlines Bagong Tabe Service Road, ikakabit sa NLEX-Balagtas Interchange

Bagong Tabe Service Road, ikakabit sa NLEX-Balagtas Interchange

500
0
SHARE

GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Aprubado na ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pagkakabit ng ilalatag na bagong service road sa barangay Tabe sa Guiguinto sa southbound ramp ng Balagtas Interchange ng North Luzon Expressway (NLEX).

Iyan ang ibinalita ni TRB Executive Director Alvin Carullo sa ginanap na signing ceremony ng isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng TRB, Department of Public Works and Highways (DPWH), NLEX Corporation at pamahalaang bayan ng Guiguinto.

Pangunahing nilalaman ng kasunduan ang pagpapahiram ng NLEX Corporation ng right-of-way sa DPWH sa loob ng limang taon habang ginagawa ang proyekto. Matapos ang nasabing panahon ng konstruksiyon, isasauli na ito sa pribadong konsesyonaryo ng NLEX.

Ayon kay DPWH Assistant Regional Director Melquiades Sto. Domingo, may habang 1.5 kilometro ang ilalatag na bagong Tabe Service Road.

Nahahati ang proyektong ito sa dalawang stages kung saan ang Stage 1 ay mula sa dating Tabe Exit ng NLEX hanggang sa magiging access road patungong Ospital ng Guiguinto.

Nilagdaan na ang isang memorandum of agreement kaugnay ng paglalatag ng Tabe Service Road sa Guiguinto, Bulacan na ikakabit sa southbound ramp ng Balagtas Interchange ng North Luzon Expressway. (Vinson F. Concepcion/PIA 3)

Daanan nito ang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) housing site na nasa barangay Tabe.

Samantala, ang Stage 2 ay ikakabit mula sa kanto ng BLISS patungo sa southbound ramp ng Balagtas Interchange o sa direksiyon na paluwas sa Metro Manila.

Tinatayang nasa P200 milyon ang inisyal na halaga ng proyekto na popondohan ng DPWH.

Kaugnay nito, itinuturing ni NLEX Corporation President and General Manager Luigi Bautista na isang Guiguinto Mobility Project ang pagpapahaba sa Tabe Service Road patungo sa Balagtas Interchange. Aniya, may kaakibat na progreso ang mga bagong daan.

Kaya’t kung magkakaroon man ng ilang pagsisikip sa daloy ng trapiko, tiniyak niyang aalalay ang konsesyonaryo upang maging mas mabilis ang biyahe papunta at paalis ng Guiguinto.

Samantala, sinabi ni Guiguinto Mayor Agatha Cruz na mas bibilis ang biyahe at magiging malapit ang ruta ng 70 hanggang 80 porsyento kapag natapos ng proyekto sa taong 2026.

Bukod sa mga motoristang araw-araw ay bumibiyahe mula sa gitnang bahagi Guiguinto, partikular na makikinabang ang may 200 cargo trucks na ipinapasok at inilalabas sa industrial complex na nasa barangay Tabe araw-araw.

Sa kasalukuyan, wala itong direktang access sa NLEX kaya’t mabagal itong dumadaan sa masikip na intersection ng Cruz at Manila North Road para makalabas sa Tabang toll plaza.

Masikip din ang mga daan sa barangay Malis na patungo sa Plaridel Bypass Road upang makalabas sa Balagtas Interchange.

Isa ang pagkakabit ng Tabe Service Road sa NLEX Balagtas Interchange sa mga prayoridad na proyektong imprastraktura sa Bulacan ng DPWH sa patnubay ng TRB. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here