Bagong pananaw at diskarte

    531
    0
    SHARE

    Sa maraming larangan ang Pinoy ay pasulong.

    Sa information technology, English proficiency, texting at social networking, nakikipag-paligsahan pa tayo.

    Ngunit sa pag-ahon sa kahirapan, tayo’y tila paurong.

    Tinutukan natin ang usaping ito, kasama ang Social Entrepreneurship in Asia, Poverty Reduction through Social Entrepreneurship, at Ateneo School of Government, upang masagot ang ilang misteryo sa usapin:

    “Bakit dumarami ang mahirap kung umuunlad naman ang bansa?”

    Pagbabago sa estratehiya, pananaw, diskarte, at interbensyon ng gobyerno ang nakikitang mga paraan.

    Ang kabuuang programa ay hinubog sa isang panukalang batas na sinusulong ko, ang HB 6085, ang Magna Carta for Social Enterprises.

    Hindi natin minamaliit ang mga nakaraang programa kontra-kahirapan. Ngunit may mga nakaligtaan, tulad ng 1.2-milyong coconut farmers, at 1-milyong mangingisda.

    Sila ang nasa kategoryang “poorest of the poor”.

    Ang mga mangingisda, apektado ng polusyon at nagbabagong klima.

    Ang mga coco farmers naman, problemado sa peste at pagbaksak ng produksyon dahil sa kakulangan sa replanting program. 

    Masaklap, hindi pa rin sila nakikinabang sa coconut levy fund. Mabuti at nagdesisyon na ang korte na ibigay ang 27% shares of stock ng San Miguel Corporation sa mga coco farmers at sa pag-unlad ng coconut industry.

    Hangad kong maresolba ang usaping ito bago maipasa ang HB 6085.

    Bagamat umangat ang ekonomiya ng 4.8% bawat taon mula 2003 hanggang 2009, dumami pa rin ang mahihirap. Mula 19.8 milyong mahihirap noong 2003, umabot sa 23.1 milyon nitong 2009.

    At noong 2006, ayon sa NSCB, ang kinita ng mga pribadong kumpanya ay umabot sa P3.04 trilyon, mas mataas pa sa pinagsama-samang P2.4 trilyong kinita ng lahat ng households.

    Noong 2009, nakalamang ang mga pribadong kumpanya sa kinitang P3.9 trilyon, kumpara sa P3.04 trilyong kinita ng households.

    Malinaw na kontrolado ng minoryang mayayaman ang mga negosyo at daloy ng naibabahaging yaman.
    Ngunit sino ba ang kumakarga kanino?

    Dito pumapasok ang “social entrepreneurship” mula sa HB 6085. Pangunahin dito ang interes ng mahihirap dahil:

    Una, kabahagi sila sa paglago ng yaman. ‘Di aasa sa donasyon.

    Ikalawa, ang patutunguan ng kita ay interes ng mahihirap.

    At ikatlo, ang pagbibigay ng parehas na sweldo sa manggagawa at patas na kabayaran sa suplayer ay kikilalanin bilang benepisyo at hindi gastos lang.

    Maitatatag ang National Poverty Reduction Through Social Entrepreneurship Program at bubuo ng “strategic economic subsectors” mula sa mahihirap.

    Ang mga economic subsectors ang magtataguyod sa mga social enterprises bilang manggagawa at suplayer.

    Bubuo ng iba’t-ibang produkto, trabaho, at serbisyo.

    Halimbawa, ang P56.5 bilyon coco levy ang gagamitin sa pagtatag ng social enterprises. Mahigit isang milyon ang mabibigyan ng trabaho o makabubuo ng serbisyo.

    Halos 25%, o 3-M ektarya ng sakahan sa bansa ay niyugan. Dito galing ang produksiyon ng coco sugar, desiccated coconut, virgin coconut oil, coco fiber, at coco peat.

    Sa 10-bilyong bao ng niyog mula sa 3-M ektaryang niyugan, kikita ng P10-P15 bilyon bawat taon mula sa 2-bilyong tonelada ng coco peat.

    Sa ibang subsectors maaaring tumulong ang DepEd, gamit ang procurement power.

    Sa ngayon, mababa ang alok nitong contract price, kaya ang maraming Persons With Disabilities (PWDs) na gumagawa ng mga school desk ay apektado. Tila mas mahalaga ang DepEd “savings” kaysa mga PWDs.

    Hindi rin nabigyan ng kontrata ang Tahanang Walang Hagdan bilang suplayer ng educational toys kahit may magandang record ito. Ang government procurement system ay dapat sigurong ayusin.

    May mga modelo ng social enterprises, tulad ng Alter Trade Group sa Negros Occidental, na binubuo ng 800 suplayer ng muscovado sugar para sa Europa, at ang AFFIRE sa Southern Leyte, suplayer ng coco products na binubuo ng 50 households.

    Mga kabalen, mapaglalapit ang puwang sa pagitan ng mayaman at mahirap kapag naisabatas ang House Bill 6085, ang Magna Carta for Social Enterprises. Ito na ang behikulo natin sa pag-ahon sa kahirapan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here