
LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Sentro ng pagbisita ni Indian Ambassador to the Philippines Shri Harsh Kumar Jain sa Bulacan Medical Center (BMC) ang pagsagawa ng inspeksiyon sa bago at moderno nitong Magnetic Resonance Imaging (MRI).
Sa isang pahayag, binigyang diin niya na isa itong modelo ng mga magagandang resulta ng binuong Philippines-India Strategic Partnership, na nilagdaan sa state visit sa India ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 2025.
Pinapurihan din niya si Gobernador Daniel Fernando dahil sa determinasyon na makapagpundar ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng isang MRI gamit ang lokal na pondo.
Gawa ng isang Indian-firm PICA Time Medical Systems ang MRI na nabili ng Kapitolyo na ngayo’y matatagpuan sa Japan International Cooperation Agency Building ng BMC.
Pumasa at rehistrado rin ito sa Food and Drug Administration ng Estados Unidos.
Itinuturing ni Ambassador Jain na ang simulain ng mga magandang pakinabang sa strategic partnership ay magandang bahagi ng isang taong pagdiriwang ng Ika-75 Taong Anibersaryo ng Diplomatikong Relasyon ng Pilipinas at India, kung saan pinakamalakas ang kooperasyon sa larangan ng healthcare at pharmaceutical.
Bukod dito, nangako rin siya na mas pag-iibayuhin ang pagtutulungan ng dalawang bansa para itaguyod ang kaganapan ng universal health care system sa Pilipinas sa pamamagitan ng knowledge and technology sharing, joint research initiatives, at capacity building.
Taong 2025 nang ginawang prayoridad ni Gobernador Fernando ang pagbili ng nasabing MRI.
Layunin nito na makapagkaloob ng world-class na diagnostic services na gamit anfg 3D cross-sectional images para makita ang mga soft tissues, organs at bones ng tao.
Nakukumpirma rin sa MRI ang aktuwal na kondisyon ng mga sensitibong panloob na bahagi ng katawan ng taon tulad ng utak, gulugod, buto at ang cardiovascular system.
Tiniyak ng gobernador na mas palalakasin pa ang pakikipag-ugnayan ng Bulacan sa India upang mas lumawak pa ang tulong sa iba pang pampublikong ospital na pag-aari at pinatatakbo pamahalaang panlalawigan.
Bukas din siya sa posibilidad na mapag-aralan ang sistema sa pag-angkat ng mga mura na magagandang klase ng gamot sa India para isuplay sa mga pampublikong botika. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)


