MULA NANG magsimula ang pandemya, parang unti-unti nang nasanay ang mga Katoliko sa cremation, na dati-rati ay hindi pa katanggap-tanggap sa maraming mga Kristiyano dahil nga sa paniniwala natin sa muling pagkabuhay. Masyado pa kasing literal noon ang intindi natin sa doktrinang ito, kahit alam naman natin na ang katawan natin ay talagang mabubulok at babalik sa lupa.
Siguro dahil din ito sa mga binabasa natin na mga kuwento sa ebanghelyo tungkol sa mga taong namatay pero ibinangon muli ni Hesus. Halimbawa iyung namatay na binatang anak ng babaeng balo na taga bayan ng Naim, o iyung dose anyos na anak ni Jairus, o si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. Namatay sila pero binuhay na muli ni Hesus. Iyun na ba ang ibig sabihin ng “muling pagkabuhay”? Hindi. Bakit? Kasi namatay din silang muli. Hindi naman RESURRECTION ang dapat itawag doon sa English kundi “RESUSCITATION.” Binuhay na muli pero katawang lupa pa rin.
Sa Sulat ni San Pablo sa Romans chapter 6:8, sabi niya, “At kung namatay tayong kasama ni Kristo, naniniwala tayong mabubuhay din tayong kasama niya. Alam natin na si Kristoʼy muling nabuhay at hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.”
Ito rin ang paksa ng ating Gospel reading ngayon: ano ba ang kahulugan ng muling pagkabuhay? Kahit kasi noong panahon ni Hesus at ni San Pablo, hindi pa nagkakasundo ang mga Hudyo tungkol sa doktrina ng muling pagkabuhay. Meron ngang isang eksena sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostol, chapter 24,13-15, noong minsan inaresto at nililitis si San Pablo at pinagkakaisahan siya para masentensyahan ng parusang kamatayan. Nakaisip siya ng paraan para ma-divide ang Konseho ng Sanhedrin. Sabi niya, “Ako ba’y nililitis ninyo dahil sa aking paniniwala sa muling pagkabuhay?” Ayun, nagkagulo tuloy sila at hindi na magkasundo. Kumampi sa kanya ang mga Pariseo dahil naniniwala sila sa muling pagkabuhay, laban sa mga Saduseo, ang grupong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.
Ito rin ang grupong nagtatanong kay Hesus sa binasa nating ebanghelyo ngayon. Sino daw ang magiging asawa ng babae sa kabilang buhay kung pitong beses siyang ikinasal? Mababaw pa rin ang intindi nila sa pagkabuhay. Hindi RESURRECTION kundi RESUSCITATION. Para bang ang tingin sa langit ay pagpapatuloy lang ng buhay dito sa lupa. Ano ang problema nila? Kulang sila sa IMAHINASYON.
Dalawa ang naiisip kong pinakamagandang mga pagbasa sa Bibliya na makatutulong sa ating imahinasyon para maintindihan natin ang doktrina ng RESURRECTION o muling pagkabuhay: ang John 12:24 at 1 Corinthians 15. Pareho ang ginagamit na larawan para ipaliwanag ang doktrina ng muling pagkabuhay: ang butil ng trigo o ang binhi ng isang punongkahoy.
May isang kuwentong pambata na magandang talinghaga para sa resurrection. “Minsan may isang langgam na masipag pero mangmang. Sa paghahanap daw niya ng pagkain, isang araw, nakatagpo siya ng isang buto ng sitaw. Tuwang-tuwa siya, dahil maraming pagkain na raw ito. Kahit mas malaki pa sa kanya ang buto ng sitaw, kinaladkad niya ito. Pero hindi niya maiuwi dahil nag-iisa lang siya, at malayo ang mga katropa niya. Kaya humukay daw siya at ibinaon muna niya ito sa lupa. Baka daw kasi nakawin ng iba. Nilagyan pa niya ng tanda ang pinaglibingan para alam niya kung saan huhukayin pagbalik niya. Makalipas ang ilang araw, binalikan niya ito. Naroon pa rin ang tanda pero nawawala ang buto, puro mga balat na lang ang naiwan sa tabi. Habang iniiyakan niya ang nawawalang buto ng sitaw, napatingala siya dahil tinatawag pala siya ng mga katropa niyang mga langgam na nakaakyat sa isang puno. Ang nakita niya ay isang puno ng sitaw na nakapulupot sa isang patpat at maraming bunga. Ang hinahanap niya isang buto ay naging mahigit isandaang buto sa loob ng mga nakalawit na bunga sa baging na sitaw.”
Ito ang misteryong binabanggit ni Hesus at ine-explain ni San Pablo sa 1 Corinthians 15. Sa verse 35 sabi niya, “May nagtatanong, Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging ayos ng katawan nila? Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing inihahasik hangga’t hindi ito namamatay.” At sa verse 42, sabi rin niya, “Ganyan din sa muling pagkabuhay: ang itinanim na nabubulok ay tutubong hindi na mabubulok; ang itinanim na pangit ay tutubong maganda. Ang itinanim na mahina ay tutubong malakas.” At sa verse 54, sabi niya, “Babaguhin tayong lahat… Kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang katawang namamatay, natupad na ang Kasulatan.” Ibig sabihin natalo na ang kamatayan.
Minsan sa aking imahinasyon pinapangarap kong umimbento ng kakaibang paraan ng paglilibing ng ating mga yumao. Sana makaimbento tayo ng ibang paraan ng ritwal ng paglilibing: hindi na inimbalsamong bangkay na ilalagay sa nitso ang ating mga yumao o bangkay na cremated at isisilid sa columbaryo. Pwede kaya tayong umimbento ng sacred composting ng mga yumao? Para ang paglilibing ay maging ritwal ng pagtatanim. Hindi kaya mas maganda kung dumating ang panahon na lahat ng mga bundok ay maging sementeryong paglilibingan ng composted remains ng ating mga yumao, at imbes na lapida ang tanda para sa pinaglibingan, isang punongkahoy na humuhugot ng sustansya sa ating katawang lupang nabulok upang mapalitan ng katawang makalangit?
Ang ganda sigurong dumalaw sa ating mga yumao kung ang sementeryo ay isang makapal na gubat at magpi-picnic sa ilalim ng isang punong pinataba ng sustansya ng ating katawang lupa? Ang sarap sigurong kainin ng mga prutas na ibinunga halimbawa ng punong mangga na may nakatitik na pangalan: Juan de la Cruz—namatay sa katawang lupa upang mabuhay na muli sa katawang makalangit. Ang ritwal ng paglilibing ay magiging ritwal ng pagtatanim.
(Homiliya para sa Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon, 6 Nobyembre 2022, Lk 20:27-38)