Bagong kanal-patubig sa Pantabangan, inilalatag

    478
    0
    SHARE
    PANTABANGAN, Nueva Ecija – Daan -daang pamilyang magsasaka ang inaasahang makikinabang kapag tuluyan nang nabuksan ang P290-milyon na bagong proyektong irigasyon sa dulong barangay ng bayang ito.

    Ayon kay Barangay Captain Wilfredo Riparip, punongbarangay ng Barangay Conversion, sa ngayon ay minsan lamang sa isang taon nakapagsasaka ang kanyang mga kabarangay dahil sa sobrang taas ng kanilang lugar at hindi maabot ng tubig mula sa Pantabangan Dam at Casecnan Mulit-purpose Irrigation and Power Project (CMIPP).

    Ang proyekto ay ipinatutupad ng National Irrigation Administration (NIA) sa pamamagitan hg pondong inilaan ng General Appropiations Act (GAA), ayon kay Engr. Manuel Collado, panrehiyong director ng ahensiya.

    Gayunpaman, sa ngayon ay P80 milyon lamang ang paunang pondo nito kaya’t uunahin na muna ang Phase I at isusunod na lamang ang Phase 2 at Phase 3 at tatagal ang construction nito ng may tatlong taon.

    Ang Conversion ay dulong barangay ng bayan ng Pantabangan at napapaikutan ng tubig ng Casecna at Pantabangan dam na nagpapatubig sa mga bukid ng Nueva Ecija, Bulacan at Tarlac.

    Pinuna ni Riparip na ang kanilang lugar ay napapaligiran ng mga katubigan mula sa CMIPP ngunit hindi sila maabot nito dahil sa topograpiya ng lugar.

    Sa ilalim ng proyekto na tinaguriang  Terrubian Type Dam, lilikha ng 2.6 kilometrong kanal na magdadala ng tubig mula sa  Diaman River. Mula sa kanal, ang tubig ay iaakyat sa mga lupang sakahin sa pamamagitan ng malalaking water pumps, ayon kay Riparip.

    Sinabi pa ni Riparip, ang kanilang barangay ay may mahigit 1,000 ektarya ng lupang sakahin at umaasa lamang sa sahod-ulan.

    Dagdag pa ng kapitan ang itinatayong proyekto ng NIA sa kanilang barangay ay inaasahang magiging maganda na rin ang ani ng mga magsasaka at magkakaroon na rin sila ng 2nd at 3rd  cropping dahil ang pagsasaka lamang ang kanilang pangunahing hanap-buhay.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here