Bagong hepe ng Aurora, itinalaga

    474
    0
    SHARE

    CAMP RAVINA, BALER, Aurora – Isang pulis na mula sa bayang ito ang itinalaga bilang bagong direktor ng panlalawigang pulisya.

    Si Senior Supt. Benjamin Hulipas ay pormal na itinalaga noong Lunes ng hapon kapalit ni Senior Supt. Ervin Guman na umabot lamang ng siyam na buwan sa kanyang posisyon bilang provincial director.

    Ang pagpapalit ay ginawa sa gitna ng alegasyon na marami umanong krimen na nagaganap sa area of responsibility ng Aurora police provincial office na hindi nabibigyan ng solusyon.

    Si Hulipas, na mula sa  Barangay Suklayin ng bayang ito, ay itinalaga sa bisa ng General Order 2 na ipinalabas ng Philippine National Police (PNP) regional director for Central Luzon, na si Chief Supt. Edgar Ladao.

    Siya ang ikalawang anak ng Baler na naitalaga bilang PD, ang una ay si Senior Superintendent Zorobabel Laureles noong 1993.

    Nauna rito, hiniling ni Gov. Bellaflor Angara-Castillo kay Ladao na palitan si Gumban kasunod ng serye ng mga holdap at nakawan, partikular  sa bayang ito.

    Samantala, si Guman ay sinasabing ikatlong PD na nabigong maabot ang karaniwang termino na dalawang taon.

    Ang kanyang sinundan na si Senior Supt. Rosvi Manulid ay naalis matapos lamang ang pitong buwan samantalang isang taon naman si Senior Supt. Romulo Esteban.

    Sa kanyang pananalita, sa seremonya ng pagsasalin ng kapangyarihan, inihayag ni Hulipas ang kanyang pangunahing utos sa kanyang mga tauhan na tiyaking mananatili ang katayuan ng Aurora bilang  “ most peaceful province” sa pitong lalawigan ng Gitnang Luzon.

    Miyembro ng Philippine Military Academy’s Batch 85 si  Hulipas na kasabayan nina  Senior Supts. Manuel Gaerlan, Arnold Gunnacao at Senior Supt. Conrad Capa, intelligence officer ng National Capital Region Police Office na si Director Alan Purisima.  

    Bago matalaga sa lalawigang ito, si Hulipas ay nanungkulan sa  regional command of Region 8 na nakabase sa Palo, Leyte. Naitalaga rin siya sa PNP Directorate for Logistics sa Camp Crame.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here