PALAYAN CITY – Pinangunahan nina Mayor Vianne Cuevas at Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang inagurasyon nitong Martes ng judicial hall ng Family Court Branch 7 na itinayo sa tulong ng pamahalaang lungsod.
Sa kanyang mensahe ay ipinaabot ni Gesmundo ang labis na pasasalamat sa pamahalaang lokal ng Palayan mula sa pamumuno ni dating Mayor Rianne Cuevas na nagpasimula sa konstruksiyon ng naturang gusali.
“Kinakailangang suklian natin ang ibinigay sa atin na magandang gusali sa paglilingkod sa mamamayan ng Palayan City,” saad ni Gesmundo kasabay ng pagkilala sa sakripisyo ng mga opisyales at kawani ng hukuman sa lalawigan.
“Ang bagong gusaling ito ay tumatayo bilang isang monument sa kooperasyon sa pagitan ng pamahalaang lungsod ng Palayan at ng Korte Suprema ng Pilipinas. Nagpapasalamat ako sa pamahalaang lungsod ng Palayan (na) pinangungunahan ni Mayor Viandrei Nicole at kanyang mommy na si former Mayor Adrianne Mae Cuevas para sa pagpapatayo at pagpapagamit ng bagong gusaling ito kung saan makikita ang nag-iisang Family Court sa lungsod at ang Regional Trial Court Office of the Clerk of Court,” pahayag ni Gesmundo.
Binigyang-diin ni Gesmundo na ang bagong gusali ay nag-uukol ng lugar para sa breasfeeding–diaper changing area, play area, social workers’ staff area, child-in-conflict with the law waiting area, at lugar para sa batang saksi.
Aniya, alam niya na kahit madalas ay kulang sa pondo at kagamitan at kulang ang espasyo para sa trabaho ay hindi nawawala ang pagsisikap ng mga ito na maabot “ang mataas na pamantayan natin sa paghahatid ng hustisya.”
Ngunit pinaalalahanan ng punong mahistrado ang mga taga-regional at municipal trial court na kahit pinagsisikapan ng Korte Suprema na masiguro ang sapat at maayos na espasyo, at magagarang pasilidad ay hindi magagarang bulwagan o sa matataas na gusali ni sa kulay ng kanilang kasuotan mahahanap ang kadakilaan ng hukuman.
“Ang kadakilaang ito ay nakikita sa katapatan ng ating mga hukom at sa karunungan ng kanilang mga hatol kung saan maingat ninyong tinitimbang ang epekto ng inyong desisyon. Hindi lamang para sa mga partidong kasangkot kundi pati na rin sa lipunan at sa ating bayan,” ani Gesmundo.
Tiniyak naman ni Mayor Cuevas na tuloy-tuloy ang kanilang suporta sa hangarin ng hukuman na mahusay na adminsitrasyon ng katarungan.