Bagong dam itatayo, 3 kukumpunihin

    408
    0
    SHARE

    Bustos dam

    BUSTOS, Bulacan—Isa pang dam ang nakatakdang itayo sa Bulacan bilang karagdagan sa apat na matatandang dam, kung saan ay tatlo naman ang nakatakdang kumpunihin.

    Ang konstruksyon ng bagiong dam at pagkukumpuni sa iba pa ay gagastusan ng natipid na pondo ng gobyerno sa P5.7-bilyon inihanda para sa rehabilitasyon ng Angat Dam sa bayan ng Norzagaray.

    Ayon kay Gob. Wilhelmino Alvarado, ang bagong dam ay itatayo sa kahabaaan ng Bayabas River sa bulubunduking bayan ng Donya Remedios Trinidad.

    Ang nasabing ilog ay dumadaloy sa Ilog Angat at ang tubig ay nasasalob ng Bustos Dam sa pagitan ng bayang ito at ng bayan ng San Rafael.

    Batay sa pahayag ni Alvarado, ang Bayabas Dam na unang ipinanukala noong huling bahagi ng dekada 90 ay magsisilbing pamigil baha kapag tag-ulan.

    Kung tag-araw naman, ang tubig na maititinggal sa Bayabas Dam ay maaaring padaluyin sa Bustos Dam upang maging karagdagan sa pagpapatubig sa may 26,000 ektaryang bukirin sa Bulacan at Pampanga.

    Bukod rito,maaari ding magtayo ng hydropower plant sa Bayabas Dam upang makalikha ng kuryente.

    Hindi pa inihayag ni Alvarado ang halaga na gugugulin sa konstruksyon ng Bayabas Dam, ngunit inihayag niya na ito ay magmumula sa matitipid ng pamahalaan sa rehabilitasyon ng Angat Dam.

    “They said it is luck, but the Supreme Court affirmed the contract of Korean Water to manage the National Power Corporation power plant in Angat Dam and they will assume at least half of the cost of the rehabilitation of the dam,” sabi ng gobernador.

    Ito’y nangangahulugan na mahigit sa P2 bilyon ang matitipid ng pamahalaan sa P5.7 bilyon inihanda para sa Angat Dam.

    Kaugnay nito, inihayag din ni Alvarado na maisusubasta na sa Mayo ang pagpapakumpuni sa Bustos Dam.

    Ang Bustos Dam ay ang itinuturing na longest rubber gate dam sa Asya.

    Ngunit batay sa pahayag ni Inhinyero Felix Robles noong nakaraang taon, ang mga rubber gates ng Bustos Dam ay marurupok na dahil patapos na ang ‘life span’ nito.

    Nagbabala si Robles na kailangang mapalitan agad ang mga rubber gates ng dam upang makaiwas sa posibleng trahedyang ihahatid nito.

    Ngunit ayon kay Alvarado, malaki ang posibilidad na palitan na ng mga kongkretong pader ang rubber gates ng dam na pumipigil sa pagdaloy ng tubig.

    Ang ikatlong dam na kukumpunihin sa lalawigan ay matatagpuan sa bayan ng San Miguel.Ito ay ang Bulo Dam na nasira sa panahon ng pananalasa ng Bagyong Pedring noong 2011 na naging sanhi ng paglubog ng maraming barangay sa nasabing bayan.

    Sa pahayag ng punong lalawigan, sinabi niya na ipagpapatuloy ang malawakang rehabilitasyon ng Bulo Dam sa taong ito. Ito ay matapos masimulan ang inisyal na bahagi ng rehabilitasyon noong nakaraang taon.

    Batay naman sa naunang pahayag ni Antonio Nangel, ang administrador ng NIA, ang unang bahagi ng rehabilitasyon sa nasabhing dam ay ang pagpapalalim sa mga kailugan sa ibaba nito.

    Bukod sa pagpapakumpuni sa mga dam na gagastusan ng matitipid sa Angat Dam, sinabi ni Alvarado na maging ang utang ng National Power Corporation sa mga magsasakang Bulakenyo ay maaaring mabayaran na rin.

    Umaasa rin siya na maaring mabigyan din ang Kapitolyo ng P50 milyon para sa pagpapaunlad ng Disaster Risk Reduction Management Office.

    Matatandaan na sa pananalasa ng El Niño noong 1997, ipinagkaloob ng mga magsasakang Bulakenyo ang alokasyong tubig nila sa irigasyon upang magamit ng kalakhang Maynila na noon ay pinadadaluyan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

    Ang pagpayag ng mga magsasaka ay may kaugnayan sa pangako sa kanila na babayaran ng gobyerno ang naging pinsala sa kanila ng El Niño.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here