BAGONG BAYANI:
    Pabuya, pagkilala, pagparada inihahanda

    349
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan – Ang nakakatulad nila ay isang piraso ng ginto na biglang natagpuan sa gitna ng kawalan.

    Mula sa pagiging mga pangkaraniwang estudyante, itinuturing na sila ngayon bilang mga “bagong bayani” matapos manaig at makamit ang gintong medalya sa katatapos na World Robot Olympiad na isinagawa sa SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay noong Nobyembre 6 at 7.

    Sila ang apat na mag-aaral ng Dr. Yanga Colleges Inc., (DYCI) High School na sina Adiel De Jesus, Ma. Nerissa Nicolas, Ellaine Bulaclac at Alexandra Guevarra na noon lamang Miyerkoles, Nobyembre 3 ay inilarawan ng kanila guro bilang mga “average students” at nakipagtunggali sa pinakamagagaling na ka-edad na mag-aaral ng robotics sa mundo.

    Ang kanilang tagumpay ay hindi nalingid sa marami, kaya naman inihahanda na ang pabuya, pagkilala para sa kanila.

    Magsasagawa rin ng isang parada at misa ng pasasalamat para sa kanilang natamong karangalan at tagumpay.

    Ayon kay Michael Yanga, ang executive vice president ng DYCI, inihahanda na nila ang full scholarship para sa kolehiyo sa apat na mag-aaral.

    Gayunpaman, nilinaw niya na ang nasabing scholarship sa kolehiyo ay makakamit ng apat na mag-aaral kung sila ay sa DYCI mag-aaral ng kolehiyo.

    Bukod dito, bibigyan din nila ng insentibo ang mga kabataan, ngunit hindi kabilang ang pera.
    “Iti-treat namin sila, siguro ay out of town trip bilang incentive, pero walang monetary incentive,” ani Yanga.

    Binanggit din niya na pinaplano na nila ang isasagawang parada at misa ng pasasalamat na isasagawa sa susunod na linggo para sa tagumpay ng apat na mag-aaral.

    “We will have a victory parade and thanksgiving mass next week, medyo dazed pa kami at overwhelmed as accomplishment nila,” ani Yanga.

    Sa panig ng pamahalaang panlalawigan, ipinahayag ng provincial administrator na sa susunod na linggo ay iimbitahan nila ang mga mag-aaral sa kapitolyo upang pagkalooban ng pagkilala.

    May mga usapan din na bibigyan ng pabuya ng kapitolyo ang apat na mag-aaral, ngunit minabuti ni Valerio na maging lihim iyon upang maging isang sorpresa.

    Bukod sa mga mag-aaral, sinabi ni Valerio na nais din nilang makita ang robot na inilahok ng mga mag-aaral sa WRO.

    Ito ay ang may tatlong talampakang robot na si “Pnoy da Robot” na isinunod ang pangalan sa palayaw ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

    Ayon pa kay Valerio, hihilingin nila sa mga mag-aaral ng DYCI na magsagawa ng demontrasyon para ipakita sa mga Bulakenyo ang mga kakayahan ng robot na kanilang binuo.

    “We want to see and show to other Bulakenyos what our young people are capable of doing today especially when given proper guidance and tools,” ani Valerio.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here