ORION, Bataan — Medyo gumanda ang presyo ng bagong aning palay ngayon at medyo tumaas ang ani bagama’t lumaki ang gastos sa irigasyon gamit ang mga de-krudong water pump dahil sa El Nino.
Sinabi ngayong Biyernes ng mga magsasakang sina Juan Bagtas, 67, at Cesar Hernandez, 79, ng Orion, Bataan na ang presyo ng sariwa o kaaaning palay ngayon ay P25 ang kilo ang ordinary at P27 ang sa mabangong uri.
“Medyo tumaas ng kaunti ang presyo kaysa sa nakakaraan. Noong nakaraan ay P19, P18, P17, P16 ang kilo na ang pangit noon umaabot ng P14 eh pero ngayon medyo maganda -ganda.
Lalamang ng kaunti sa ginastos at baka makasobra ng kaunti,” sabi ni Bagtas.
Si Bagtas ay may taniman ng palay na isang kinyon (10 balitang o humigit-kumulang limang ektarya) na ang apat na balitang ay kasalukuyang ginagapas at ginigiik ng makinang 3-in-1 o combine.
Si Hernandez naman ay may sinasakang dalawang kinyon o siyam na ektarya.
“Baka maganda ngayon at umabot ng 200 kaban ang aanihin ko sa apat na balitang na kung minsan ay 100 sako lamang ang inaani ko,” sabi ni Bagtas.
Hiling ni Bagtas sa pamahalaan ay huwag masiyadong ibaba ang presyo ng palay. “Kahit umani kami ng medyo kainaman walang nangyayari. Talagang halos wala na kaming ibiling pagkain, eh pagkayari umani puro bayad lang sa utang.”
“Hindi sapat ang patubig dito sa Orion. Krudo, water pump karamihan dito. Nagkakahirapan kami sa patubig lalo panay waterpump. Kapag tag-init pati water pump humihina ang tulo,” daing ni Bagtas.
Hindi na raw siya magtatanim ng palay matapos mag-ani ngayon. “Mauuwi lang sa gastos. Pahinga muna, basta dalawang ani lang.”
“Ang panawagan lang namin eh syempre gaya dito ang patubig dito ay water pump ay bumaba ng kaunti yung krudo. Pangalawa, ang mga sangkap sa bukid yun ang kailangan. Kasi mabigat ang pagsasaka dito sa Bataan puro krudo, hindi kamukha sa Nueva Ecija puro irrigation, dito sa amin puro krudo,” sabi ni Bagtas.
Ang puna pa niya na kung bakit ang mga makinang ibinibigay ng pamahalaan sa ilang tao tulad ng combine o panggapas, panggiik na 3 – in- 1 ay ganoon din ang singil sa pribado na 10 kaban sa bawat 100 sakong nagiik.
Dapat, ani Bagtas, na bababaan ng kaunti ang singil dahil bigay naman ito ng gobeyrno.
Ayon naman kay Hernandez, pagkaani niya sa bandang Marso o Abril ay hindi na muna siya magtatatlong ani. “Natatakot nga ako at baka abutin ako ng El Niño.”
Gastos niya raw lahat ang patubig gamit ang walong de krudong water pump. “Pagkatapos mag-ani, tiwangwang na hanggang June na iyan. Hindi kaya kapag nagkatigangan, hindi kaya ng patubig yan. Hindi makakasapat ang water pump namin na yan.”
Sana raw ay bigyan ng pamahalaan si Hernandez at si Bagtas ng water pump.
Kasalukuyan namang ibinibilad sa shoulder ng kalsada ang nabiling palay ng negosyanteng si Lorena Aquino. Kinumpirma nito na mataas ang presyo ng bagong aning palay.
“Maganda ang presyo ngayon, ang katulad nito (nakabilad) ordinary P25 ang isang kilo. kapag 218 variety ay P27, yung mabango. Sariwa ang sa P25, iba yung sa deliver. Kapag deliver o tuyo inaabot siya ng P31-P32,” sabi ni Aquino.
Maganda umano ngayon ng presyuhan dahil noong nakaraan ang pinakamaganda na ay P25 lamang ang isang kilo. “Hindi lang malalaman kung pag nagsabay-sabay ang ani kung bababa pero sa ngayon napakaganda ng presyo.”
“Nagimula ang pamimili namin noong nakaraang linggo. Pagi-pagitan ang pagbili namin dahil hindi naman sabay-sabay ang ani. Marami pang berde,” sabi ni Aquino.