Home Headlines Bago magsara, dumadalaw sa sementeryo kakaunti lamang

Bago magsara, dumadalaw sa sementeryo kakaunti lamang

1453
0
SHARE

Binabasbasan ng pari ang mga nakahimlay sa sementeryong Aglipayano. Kuha ni Ernie Esconde 


 

SAMAL, Bataan — Kapuna-puna na ang dalawang sementeryo dito na pag-aari ng Iglesia Filipina Independiente at Catholic Church ay mangilan-ngilan lamang ang mga dumadalaw sa mga puntod bagama’t itinuturing na huling araw na ngayong Huwebes na bukas ang mga sementeryo sa buong lalawigan.

Itinakda ng provincial inter-agency task force against Covid–19 na pansamantalang sarado ang lahat ng sementeryo, memorial park, at columbarium simula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-2 ng Nobyembre bilang pag-iingat sa coronavirus disease.

Upang maiwasan ang pagkukumpulan ng maraming tao, minabuti ng pamahalaang bayan ng Samal na by schedule ang pagdalaw ng bawat barangay sa mga libingan mula Oktubre 21 hanggang 28.

Maraming puntod ngayong Huwebes ang mga may bulaklak bagama’t wala nang mga kaanak na nagbabantay na ang ibig sabihin ay dumalaw na ang mga ito ng mga nakaraang araw bilang pagsunod sa schedule.

Nakabantay pa rin sa gate ng Aglipay Cemetery  sa barangay Sta. Lucia ang mga barangay health workers, kagawad at mga tanod upang matiyak na lahat ng pumapasok sa sementeryo ay nagrehistro sa logbook.

Patuloy ang pagbabasbas sa mga puntod ng dalawang pari sa pangunguna ni Fr. Roderick Miranda, Samal–IFI parish priest, na nagsimula noong ika-25 ng Oktubre.

Sinabi ni Fr. Miranda na itutuloy ang pagbabasbas sa mga yumao sa ika-3 at 4 ng Nobyembre  para sa barangay San Juan at Tabing-Ilog.

Nagsarado ang Aglipay cemetery ng alas-7 ng gabi ngayong Huwebes.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here