Bading patalbugan sa ‘Miss Bekika’

    424
    0
    SHARE

    SAMAL, Bataan- Halos mayanig ang tahimik na barangay ng Santa Lucia dito Sabado ng gabi sa tindi ng
    palakpakan at sigawan nang rumampa ang 10 bading na nagpatalbugan upang masungkit ang titulong “Miss Bekika 2013”.

    Napatunganga at saglit na nanahimik ang nagsisiksikang mga tao sa kalsadang pansamantalang isinara sa trapiko nang isa-isang ipamalas ng mga bading ang kanilang winning form sa iba’t-ibang costume.

    Saglit lamang ang tila pagkatulala ng mga manonood sapagka’t makaraan ang ilang sandali ay umaatikabong palakpakan na ang sumambulat lalo na sa bahagi ng swimsuit competition. Tulad sa karaniwang timpalak kagandahan, meron ding casual at long gown competition, talent search at question and answer portion kung saan ipinakita ng mga bading ang kanilang natatanging galing.

    Siyam na grupo ng mga batang musikero sa Bataan ang nagdagdag ng isang libo’t isang tuwang kasiyahan na nagsimula alas-7 ng gabi na inabot ng ala-una ng madaling araw ng Linggo. Handog ang programa ng barangay council ng Santa Lucia sa pangunguna ni Kapitan Reynaldo Vinzon at mga kagawad Juanita Evora, Fida Esconde, Ernie Siasat, Anite Valerio, JV Tolentino, Renato Flores at iba pa.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here