Back-to-school trade fair, isinulong sa Bulacan

    413
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY—Kailangan mo ba ng murang school supplies?

    Magpunta ka na sa back to school trade fair na kasalukuyang isinasagawa sa harap ng kapitolyo ng Bulacan.

    Ayon kay Rhine Aldana, provincial director ng Department of Trade and Industry sa Bulacan, layunin ng nasabing trade fair ang matulungan ang mga magulang at mga mag-aaral na makabili ng mga mura ngunit de-kalidad na produktong pang-eskwela.

    Ang back to school trade fair ay tatagal hanggang sa ika-24 ng Mayo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga mamimiling Bulakenyo na makapamili sa kanilang trade fair.

    Ayon kay Aldana, mistulang bag festival ang trade fair dahil na rin sa maraming manggagawa ng bag ang sumali.

    Ang paggawa ng mga bag ay bahagi ng One Town, One Product ng DTI sa mga bayan ng Bustos at Malolos.

    Ayon kay Aldana, maituturing ding one stop shop ang nasabing tradefair dahil bukod sa mga bag ay makakabili din doon ng mga sapatos at uniporme ng mga bata.

    Binigyang diin niya na mura lamang ang benta ng mga nasabing produkto dahil sa ang mga nagbebenta ay mga manufacturers mismo at hindi na dumaan sa mga middlemen.

    Binigay na halimbawa ni Aldana ang presyo ng sapatos na gawa sa balat mula sa Meycauyan na nagkakahalaga lamang ng P900 kumpara sa ordinaryong pamilihan na umaabot sa P3,000.

    Ang naturang programa ay bilang tulong na rin aniya ng DTI sa mga SME’s small and micro entrepreneurs sa problema sa global financial crisis.

    Ito na ang ikatlong taon na isinasagawa ng DTI sa Bulacan ang naturang back to school trade fair.  

    Kaugnay nito sinabi naman ni Pamela Santos, ang tagapamahala ng School Haus office and school supplies sa Malolos na halos hindi rin nagbago ang presyo ng kanilang mga produkto katulad ng mga notebook, papel at ballpen.

    Sinabi niya na nakikisabay din sa krisis ang mga manufacturers, ngunit hindi nagsipagtaas ng presyo ang mga ito.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here