BABALA NG LP:
    GMA part II kapag nanalo si Villar

    453
    0
    SHARE
    MARILAO, Bulacan – “Kung mananalo si Villar, tiyak na GMA part II yan!”

    Ito ang babala ni Liberal Party Senatorial candidate Risa Hontiveros hinggil sa mga pagwawalang bahala at pagtalikod ni Senador Manuel Villar ng Nacionalista Party (NP) hinggil sa mga alegasyon at kasong hinaharap nito.

    Iginiit pa niya na katulad sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, wala ding maaasahan sa posibleng administrasyon ni Villar kundi pandarambong at  pandaraya.

    Ipinayo ni Hontiveros kay Villar na dapat nitong harapin ang mga kasao at akusasyon laban sa kanya, sa halip na talikuran at ipagwalang bahala.

    “Kung gusto niyang linisin ang kanyang pangalan, dapat ay humarap siya at huwag daanin sa mga propaganda,” ani Hontiveros.

    Kabilang sa mga kaso at alegasyong hinaharap ni Villar ay may kinalaman sa kasong land grabbing sa mga Dumagat sa bayan ng Norzagaray, Bulacan kung saan ay tinatayang mahigit P1 bilyon ang hinihinalang sangkot na halaga na nagmula sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

    Bukod dito, hindi pa rin tapos ang kaso hinggil sa C-5 double insertion na unang ibinulgar ng ngayon ay nagtatagong si Senador Ping Lacson, at kaso pa ng sa Iloilo na tinaguriang “C5- extension.”

    Ayon kay Hontiveros, hanggang ngayon ay hindi pa humaharap si Villar sa Ombudsman para linisin ang kanyang pangalan sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya noong 2008 ng mga magsasaka mula sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

    Ang nasabing kaso ay may kinalaman sa daan-daang ektaryang nasasakop ng lupaing ninuno ng mga Dumagat sa Barangay San Mateo, Norzagaray na unang isinanla ng Manila Brickworks ng Pamilya Puyat sa bangko ni Villar na Capitol Bank, pagkatapos ay isinanla ng Capitol Bank na ngayon ay Optimum Bank sa BSP hanggang sa maremata.

    Sinabi ni Hontiveros na hindi kinasuhan ng BSP si Villar sa hindi nito pagbabayad ng utang, at ito ay isang palatandaan ng pakikipagsabwatan umano sa administrasyong Arroyo.

    “Mula pa sa impeachment kay GMA tahimik na si Senator Villar at wala kaming natanggap na suporta sa kanya, kaya lumilinaw ang Villarroyo conspiracy,” aniya.

    Giit na pa niya, walang magbabago sa bansa sa ilalim ng Villaroyo administration dahil pandaraya lamang ang dala nito.

    Payo ni Hontiveros na linisin ni Villar ang kanyang pangalan kung talagang inosente ito sa mga sinasabing katiwalian.

    Ito rin ang naging pahayag ni Sen. Noynoy Aquino na dapat ngang sagutin ni Villar ang mga sinasabing katiwalian niya tulad ng dapat nitong ipaliwanag na ang katabing katabing lote lamang sa C5 ay magka-iba ng presyo.

    Dagdag pa ni Aquino na dapat ding sagutin ni Villar kung bakit nawala ang mga titulo ng mga katutubong Dumagat sa bayan ng Norzagaray, Bulacan.

    At sakaling si Villar nga aniya ang manalong pangulo ng bansa ay kailangan pa rin nitong harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

    Ngunit ayon kay Aquino, kung iboboto naman ng taumbayan si Villar ay pagpapakita lamang ito na tanggap ng mga Filipino ang ganitong klase ng sistema ng katiwalian at tiyak na dadami ang problema ng bansa.

    Ngunit umaasa din siya sa mga Filipinong nanindigan noong panahon ng EDSA ay hindi ganoon ang pananaw at maghahanap na ng pagbabago sa bansa sa darating na 2010 elections.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here