Babaeng naka-mutor patay sa aksidente

    380
    0
    SHARE

    PILAR, Bataan – Isang babaeng nagmu-motor ang patay samantalang ang dalawa naman niyang kaangkas ay malubhang nasugatan matapos sumalpok sa poste ng pader ang sinasakyan nilang motorsiklo sa tabi ng MacArthur Highway sa Barangay Sta. Rosa, dito Huwebes ng madaling-araw.

    Kinilala ni Senior Insp. Emelito dela Cruz, Pilar police chief, ang namatay na si Cristel Salabillo, 19, ng Sta. Rosa na maraming kaanak at kabarkada ang nakabantay sa Martinez Funeral Homes at sa kanilang maliit na bahay sa nabanggit na barangay.

    Ideneklara ang biktima na dead on arrival sa Bataan General Hospital sa Balanga bandang alas-2:30 ng madaling-araw.

    Sakbibi ng hinagpis ang inang si Alicia Salabillo, isang tindera sa talipapa ng Sta. Rosa.

    Ang mga sugatan ay sina May Almario, 17, ng Sta. Rosa at Renren Puno, 19, ng Balanga City.

    Ang dalawa ay naka-confine sa St. Joseph Hospital sa Balanga. Inoperahan dahil sa nabaling buto sa mukha si Puno at may malalim na sugat naman sa ulo si Almario.

    Sinabi ni Melani Valor na sakay sila ng dalawang motorsiklo na ang bawat motorsiklo ay tatlo ang magkakaangkas.

    “Naisipan naming mag-strolling sa Orion (Bataan) mula sa Balanga ngunit nang pabalik na kami at pauwi na ay doon nangyari ang aksidente,” ani Valor.

    Ayon kay PO2 Expedito Balan, Pilar police investigator, mabilis ang takbo ng motorsiklo at nang sumapit sa medyo palikong bahagi ng kalsada ay nawalan ito ng kontrol at bumangga sa poste ng pader na bakod ng isang tindahan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here