JAEN, Nueva Ecija – Kalaboso ngayon ang babae na itinuturing na “most wanted” ng isang kumpanya ng sanglaan matapos magsanla ng pares na pekeng gintong hikaw sa bayang ito nitong Sabado.
Ayon kay Major Baltazar Corpuz, hepe ng Jaen police station, nasakote ng mga pulis ang suspek na si alyas “Nina” bandang ala-1 ng hapon matapos magsanla sa halagang P13,123 ng pekeng hikaw sa Palawan Pawnshop branch dito.
Lumabas sa imbestigayon na matagal nang pinaghahanap ng nasabing kumpanya ang suspek.
“Further investigation revealed that the said female suspect has already pawned fake gold earrings to their (PP) branches in Tarlac; Guagua, Pampanga; Batasan Hills Quezon City, and Candelaria, Quezon,” the city police said in its report to Nueva Ecija police director Col. Marvin Joe Saro.
Umaabot na di-umano sa halagang P90,923 ang mga pekeng alahas na naisangla ng suspek, gamit ang pekeng pangalan at pagkakakilanlan.
Dahil dito ay inalerto na ng kumpanya ang lahat ng sangay nito kaugnay ng aktibidad ng babae, ayon kay Corpuz.
Kasong paglabag sa Art 315 at 178 ng Revised Penal Code ang isinampa laban sa babae na ngayon ay nasa female custodial facility ng pulisya.