Babae patay sa sunog

    326
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan——Sa ika-limang araw ng programa sa buwan ng Marso bilang fire prevention month ay natupok at namatay ang isang babae sa loob ng tinitirhang bahay sa naturang bayan.

    Naganap ang sunog bandang alas-dos ng hapon kahapon ngunit kaninang umaga lamang natagpuan ng Bureau of Fire Protection ang sunog na katawan ni Paz Ticar, 50, matandang dalaga at nakatira sa Barangay Binang 1st sa baying ito.

    Umaabot sa P200,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.

    Ang bangkay ni Ticar ay kasalukuyang nakalagak sa Villarin Funeral homes sa Bocaue at patuloy pa rin ang imbestigasyon ng BFP sa insidente.

    Ayon kay Ryan Ticar, may-ari ng bahay, hindi nila nalalaman na nandoon pala sa loob ng kanilang bahay ang kanyang tiyahin.

    Aniya, natanggap niya ang tawag na nasusunog ang kanyang bahay ngunit halos limang minuto lamang nang siya ay tumakbo pauwi ay natupok na ito.

    Ayon sa BFP, tumagal lamang ang sunog ng halos isang oras at umabot sa unang alarma ngunit agad na natupok ang buong kabahayan dahil sa ito ay gawa sa kahoy.

    Ayon kay Fire Inspector Roderick Marquez, Fire Marshall ng Bocaue, posibleng kalan ang pinagmulan ng sunog dahil sa naiwan ng matanda ang kanyang pinaiinitang tubig at nakatulog ito sa loob ng kanyang silid.

    Ayon kay Marquez, ang buwan ng Marso ang pinakamainit na panahon sa loob ng isang taon kayat patuloy ang kanilang paalala sa pag-iingat sa sunog.

    “Ito ang unang insidente ng sunog sa bayan mula ilunsad ang fire prevention month ngayong taon.” pahayag ni Marquez.

    Aniya, batay sa kanilang mga inspeksyon sa kanilang bayan ay halos puro gawa sa kahoy ang karamihan ng kabahayan dito.

    Kayat paalala niya na doble ingat sa pagbabantay sa mga posibleng pagmulan ng sunog gaya ng lutuan, faulty electrical wiring at mga naiiwang electrical equipment.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here