Ang suspek ay kinilalang si Evelyn De Jesus, 44, dalaga, tubong Apalit, Pampanga at kasalukuyang naninirahan sa No. 6 Makinabang, Baliwag, Bulacan.
Ang biktima ay kinilala namang si Mary Ann Diezmo, 28, walang trabaho at residente ng Barangay Tabang, Plaridel.
Ayon sa ulat ng Plaridel PNP, nasa 2nd floor ng nasabing mall ang biktima nang siya ay bigla na lamang lapitan ng suspek at sinabing kinuha ng una ang wallet ng kaniyang anak kung saan naroon ang driver’s license nito.
Dahil sa pagkabigla ay hinayaan ng biktima na halungkatin ng suspek ang kanyang bag at dito na tinangay ng suspek ang halagang P6,000.
Agad na humingi ng tulong sa mall guard ang biktima at hinarang ang noon ay papatakas nang suspek.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga gwardya ng mall sa PNP at naaresto ang suspek at nakuha mula dito ang ninakaw na pera. Lumabas sa imbestigasyon ng Plaridel PNP, na ang suspek ang nasa likod ng mga Budol-Budol at Salisi Gang na nambibiktima sa Bulacan at mga karatig lugar.
Ang suspek ay nasa kustodiya ngayon ng PNP at nahaharap sa kasong robbery.
Depensa ng suspek nagagawa lamang daw niya ang bagay na iyon upang ipangtustos sa gamit ng kaniyang may sakit na kaanak.