Ang pamimigay ng ayuda ng lokal na pamahalaan sa relocation site sa Barangay Cacarong Matanda. Kuha ni Rommel Ramos
PANDI, Bulacan — Namahagi na ng ayuda ang pamahalaang lokal ngayong Martes na ikalawang araw ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa NCR Plus Bubble.
Mismong si Pandi Mayor Enrico Roque ang nanguna sa pamahahagi ng ayudang food packs sa relocation site sa Barangay Cacarong Matanda.
Para maiwasan ang pagdagsa ng mga residente ay pinaglabas ng upuan ang bawat kabahayan para doon na lang ilalapag ang food packs.
Ayon kay Roque, nasa 44,044 food packs ang ipamimigay sa bawat pamilya sa 22 barangay sa buong Pandi.
Aniya, dapat mabilis ang pamimigay ng ayuda dahil isang linggo lamang itinakda ang ECQ.
Sakali naman aniyang ma-extend pa ang ECQ ay nakahanda naman ang pondo ng pamahalaang bayan ang panibagong ayuda.
Ang food packs ay naglalaman ng tatlong kilong bigas, tig-dalawang lata ng beef loaf, meat loaf, at corned beef, apat na cup noodles at ¼ kilo ng munggo.
Samantala, 377 na mga medical frontliners at kasapi sa barangay health emergency response team ang mabilis na nabakunahan mula alas–8 ng umaga at alas-3 ng hapon ng AstraZenica nitong Biyernes.
Dagdag pa ni Roque na kaunti lamang ang kanilang mga vaccinators kaya’t humingi siya ng tulong sa mga pribadong duktor at nurses sa kanilang lugar na tumulong naman sa pagbabakuna.