OLONGAPO CITY — Dead on-the-spot ang isang Australian national matapos itong barilin sa loob mismo ng kanyang resto bar na pinamamahalaan sa Baloy Long Beach Resort sa Barangay Barretto dito.
Kinilala ng pulisya ang biktimang si Paul Davy, 50, manager at co-owner ng Blue Rock Resort.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakaupo ang biktima habang umiinom ng beer nang lapitan ito ng di kilalang salarin at saka binaril sa ulo ng kalibre 45 baril.
Naging kampante naman ang ilang dayuhan at Filipino customer na tila walang nangyaring patayan sa lugar at wala ni isa man lamang sa kanila ang gustong magsalita, habang nagpapatuloy ang pangangalap ng ebidensiya ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Patuloy pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Olongapo City PNP hinggil sa nasabing krimen.