Asong ‘pinaka’ rumampa, nagpatalbugan sa Bataan

    447
    0
    SHARE
    BALANGA CITY– Nagpatalbugan noong Biyernes ng hapon ang iba’t-ibang uri ng pure breed na mga aso ganoon din ang ilang asong lokal na lalong kilala sa tawag na askal sa ginanap na paghahanap ng mga asong “pinaka” dito.

    Ang mga asong binihisan ng iba’t-ibang kasuotan, ang isa’y may salamin pa sa mata, ay kalahok sa timpalak na pinili ang pinakamataba, pinakamalaki, pinakamaliit, pinaka-balbon, pinakabibo at pinakamabilis kumain.

    Isang malaking itim na  Rothweiler at dalawang puting Shih-tzu na may suot na korona sa ulo ay namataang tila kampanteng-kampante sa pagkakaupo sa silya habang walang alam gawin ang ibang mga aso sa tindi ng init ng panahon.

    Ginanap ang isang parada sa ilang bahagi ng commercial district ng lungsod na kalahok ang mga aso bilang paggunita sa Rabies Awareness Month at pagpapaalaala sa tamang pag-aalaga ng aso.

    Pagkatapos ng maikling parada, ipinakilala ang mga asong kalahok sa labis na kasiyahan ng maraming manunood na pumuno sa plaza malapit sa St. Joseph Cathedral.

    Nagpakitang gilas ang isang poodle na nagpagulong-gulong habang nakahiga, tumalon sa hurdle na nakatayo sa dalawang paa, pinagulong ang  maliit na drum habang nakasakay dito. Nag-shoot ng bola sa maliit na ring ng basketball ang poodle ganoon din ang isang maliit na matsing.

    Nagskipping rope din at nagsagawa ng ibang tricks ang dalawang poodle.  Halos namalikmata ang mga manunood nang magsayaw ng waltz, tinikling at cha-cha ang maliliit na aso.

    Si Mayor Jose Enrique Garcia III ang nanguna sa pagbibigay ng mga premyo sa mapapalad na asong napili bilang “pinaka”. Ang proyekto ay nasa pangangasiwa ni City Agriculturist Nerissa Mateo sa tulong ng mga beterinario.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here