Ang lumubog na barkong MV Gulf Livestock. Larawang mula kay Juvy Olaño
LUNGSOD NG BALANGA — Lumuluhang nanawagan ngayong Lunes sa Pangulong Duterte ang asawa mula sa lungsod na ito ng Bataan ng isa sa mga nawawalang crew ng lumubog na barko sa karagatan malapit sa bansang Japan.
“Gusto kong manawagan sa Pangulo na tulungang mahanap ang aking asawa at iba pa dahil international ang paghahanap sa kanila. Ang sabi ng asawa ng kapitan, international water iyon kaya hindi lang pala Japan sila napunta, baka napadpad na sila kung saan-saan,” sabi ni Juvy Olaño.
Si Jorge Olaño, 36, second cook, asawa ni Juvy, ay isa sa mga nawawalang crew ng MV Gulf Livestock.
Ayon kay Juvy, si Jorge ay mahigit sampung taon nang sumasampa sa iba’t ibang barko.
“Kasi ang isang lifeboat nandoon, yong isa wala baka magkasama sila ng 40 katao doon, yon ang pinanghahawakan ko sa sarili ko baka napadpad sila kung saan, kasi international water yon,” sabi ng babae.
“Kung sino man ang nakakarinig sa akin, maawa kayo sa pamilya namin. Ilang araw na silang nawawala, hirap na hirap na sila 40 katao ang andoon kasama ang apat na foreigner. Hindi na namin alam kung ano’ng gagawin, hindi kumakain, hindi makatulog, sobrang sakit sa aming pamilya,” pagmamakaawa nito.
“Ano’ng gagawin namin? Kaya humihingi ako ng awa. Lahat ng mga fishing boat o sino man dito sa Pilipinas na nagre–rescue, nawa’y matugunan ang aming sakit ng damdamin at matulungang mahanap sila. Sana nakikinig si Pangulo ngayon, si Gov (Gov. Albert Garcia) tulungan niyo kami maawa kayo,” apela pa ni Juvy.
Sinabi ni Juvy na sumakay ang asawa sa barko noong ika-29 ng Oktubre 2019 at nakatakdang umuwi sa susunod na buwan o sa pangalawang linggo ng Oktubre 2020.
Huli umano silang nagkausap bandang alas–9:30 ng gabi ng ika-2 ng Setyembre kung kailan nangyari ang paglubog ng barkong pinagtatrabahuhan nito.
“Nag–chat kami at sinabi niyang malakas talaga ang alon at nasalubong daw nila ang bagyo. Itatali raw niya ang mga gamit, mga maleta at pinicturan niya ito at pinadala sa akin,” sabi ng babae.
Sinubukan daw niyang mag–chat ulit ngunit hindi na sumagot ang asawa. Nagtataka rin umano siya kinabukasan kung bakit hindi pa naka-online ang asawa samantalang dati-rati ay madalas itong mag–chat o tumawag.
Akala umano niya ay walang masamang nangyari dahil nakita niyang naka-online ang kapitan ng barko kaya nag–message siya dito ngunit nalaman niyang asawa pala nito ang gumagamit ng account.
Kinabukasan ng gabi, aniya, ay nakatanggap siya ng tawag mula sa asawa ng isa sa kasamahan ng kanyang asawa na may lumubog at nawawalang barko.
Sinabi ni Juvy na tumawag siya sa agency ng asawa ngunit walang makapagbigay ng malinaw na sagot at sinasabing wala silang update at wala pa silang alam.
Masama ang loob ni Juvy dahil sa ibang tao pa umano niya nalaman na may nangyari na pala sa barko ng asawa.
“Walang nagsabi sa amin na ang asawa o pamilya namin na ‘oh ayon lumubog ang barko nila.’ Sabihin man lang sana nila, ‘humanda–handa kayo at tatawagan ang bawat isa’,” sabi nito.
Hanggang ngayon umano ay wala pa siyang balita sa asawa at mga kasamahan nito ngunit umaasa umano siyang sa awa ng Diyos ay ligtas ang mga ito.