Tatlong lokal na bayani ng Lungsod ng San Fernando,
Na sina Don Pedro Abad Santos, Tiburcio Hilario
At si Donya Nicolasa Dayrit Pamintuan – Panlilio,
Ang nabigyan ng parangal – pati si Ninoy Aquino
Na hindi lang isang lokal na bayaning maituturing,
Kundi ng isang pambansa at dakilang ‘hero’ na rin,
At tunay naman ding ating ganap na maihahambing
Kay Gat Andres Bonifacio at ‘National Hero’ nating
Si Dr. Jose Protacio Rizal Alonzo Mercado,
Na ibinuwis ang sariling buhay para lamang tayo
Makawala sa gapos ng dayuhang pangungubyerno
Ng mga imbing Kastilang palakad, di makatao.
Gayon din ang ating mga kababayang Kapampangan,
Na si Jose Abad Santos, na ibinuwis ang buhay
Sa kamay ng mga Hapon kaysa kanyang talikuran
Ang banal na tungkulin niya para sa’ting Inangbayan
Nang siya itong iniwanan ni Pangulong Manuel Quezon
‘As caretaker’ ng bansa nang sa Australia pumaroon
Upang bilang ‘Head of State’ ng mga panahong iyon
Di maging ‘prisoner of war’ at maging ‘collaborator’
Sa isa pang mananakop na dumaong sa ‘ting bansa
Na gahaman, at higit na malupit at walang awa
Kaysa pamamahala ng mga sakim na Kastila;
Sa Noli’t Fili ni Rizal, kanyang lubos tinuligsa.
At sa Tabak pinaglaban ni Gat Andres Bonifacio
Ang ganap na kasarinlan nating mga Pilipino,
Kung kaya nararapat lang na magpasalamat tayo
Sa ganap na kalayaang ating lubos na natamo
At ngayon ay ito’y atin na ngang tunay na nalasap
Ng dahil sa ibinuwis nilang dugo, na dumanak
Sa parang ng digmaan at kusang loob na pagtanggap
Na mamatay kaysa sila’y sa bayan magtaksil sukat!
Kaya naman hayan sila at ating dinadakila
Ang sa ating Inangbayan kabayanihang nagawa
Nina Rizal, Bonifacio at iba pang kagaya nga
Ng magkapatid na Pedro at Jose na yan ay kapwa
Kusang nagpaka-martyr at inilaan ang sarili
Nilang buhay at panahon sa ngalan ng pagsisilbi
Para sa’ting Inangbayan at sa mga naa-api,
Gayong sila ay mayaman at abugado rin pati.
Gayon din si Don Tiburcio Hilario ng lalawigan,
Na kusa ring ang buhay niya’y kanyang lubos inilaan
Sa matapat na layuning magsilbi ng buong tapang
Para sa kapakanan ng lahat at ng Inangbayan
At ang isa pang bayaning nabigyan ding ng papuri,
Sa ‘Heroes Park’ nitong lungsod, na kahit siya ay babae,
Ay buong tapang din namang sa Katipunan nagsilbi
Bilang ‘ambassadress’ kapag may problemang matitindi.
Ganyan ganap kadakila ang mga naparangalan
Sa ‘Heroes Park’ nitong lungsod, na lubos pinangunahan
Ni Mayor Edwin Santiago nitong katapusan ng buwan
Ng Agosto, ang “Araw ng mga Bayani” ng Bayan;
Na kung saan dinaluhan nitong iba’t-ibang sektor
Ng lipunan, ng Vice Mayor at ilang City Councilors
Ang naturang pagdiriwang na ginanap sa Heroes Hall,
Nitong lungsod – kasama ryan ang iba pang Media ngayon!