Home Headlines Aqueduct 7 ng Angat Water Transmission Project target matapos sa 2025

Aqueduct 7 ng Angat Water Transmission Project target matapos sa 2025

777
0
SHARE

NORZAGARAY, Bulacan (PIA) — Pinamamadali ng Regional Project Monitoring Committee, sa pangunguna ng National Economic and Development Authority (NEDA), ang pagbabaon ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 na bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project.

Ito ay upang matamo ang bagong target na matapos at maging operational ang proyekto ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa 2025.

Ayon kay Fernando Cabalza ng NEDA Project Monitoring and Evaluation Division, napalawig ng mahigit isang taon ang implementasyon ng proyekto mula sa orihinal na 2024 dahil nasa 38.68 porsyento pa lamang ang progress rate.

May habang 15 kilometro na mga higanteng tubo ang ibabaon mula sa Settling Basin Facility ng MWSS sa barangay Bigte sa bayan ng Norzagaray sa Bulacan patungo sa La Mesa Dam sa lungsod ng Quezon.

May halagang P7.42 bilyon ang proyekto na pinondohan ng Asian Development Bank.

Base sa water trail na iprinisinta ni Joseph Burdeos, isa sa project engineer ng MWSS, ang magiging pito nang aqueduct ay nakakabit sa apat na tunnel sa kabuuan ng Angat Water Transmission Improvement Project.

Nagsasagawa ng komprehensibong inspeksiyon ang Regional Project Monitoring Committee, sa pangunguna ng National Economic and Development Authority, sa pagbabaon ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 na bahagi ng Angat Water Transmission Improvement Project. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Hinihigop ang nasabing malalaking tunnel ang tubig mula sa Ipo Dam habang ang mahihigop na tubig mula sa mga tunnel ay padadaluyin ng mga aqueduct sa Settling Basin Facility sa barangay Bigte.

Sa nasabing pasilidad hinahati ang distribusyon ng suplay ng tubig.

Una rito ang para sa Luzon Clean Water Development Corporation ng San Miguel Corporation na may konsesyonaryo sa Bulacan Bulk Water Supply Project.

Gayundin para sa Maynilad Water Services Inc. na may bagong 25 taong prangkisa sa bisa ng Republic Act 11600, para sa suplay ng tubig ng west zone ng Metro Manila at Cavite.

Dito rin nagmumula ang suplay ng tubig para sa east zone ng Metro Manila at Rizal na ang distributor ay ang Manila Water Company Inc. sa bisa ng Republic Act 11601.

Ang Ipo Dam ay nagsisilbing transmission dam o daluyan ng tubig mula sa Angat Dam na nasa Norzagaray din.

Sa Angat Dam naman iniimbak ang mga tubig mula sa buhos ng ulan at sa katas ng ugat ng mga puno sa kanlurang bahagi ng bulubundukin ng Sierra Madre.

Samantala, may isang tunnel na nagkakabit sa Angat Dam at sa Umiray River na nasa kabila o silangang bahagi ng Sierra Madre sa bayan ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon.

Ito ang Angat-Umiray Transbasin Project na nabuksan noong taong 2000.

Ipinaliwanag pa ni Burdeos na ang pagbabaon ng karagdagang Aqueduct 7 ay may dalawang layunin.

Una ang pagkakaroon ng karagdagang suplay ng tubig mula sa Ipo Dam at pangalawa ay upang magkaroon ng kapalit ang isasara nang Aqueduct 1 at 2 na ipinagawa pa ng noong 1930s.

Kung hindi aniya gagawin ang Aqueduct 7, hindi maisasara ang dalawang lumang aqueduct na may marami nang tagas.

Maiiwasan na maputol ang suplay ng tubig sa Bulacan, Metro Manila, Rizal at Cavite dahil malalagyan ng bagong dadaluyan ng tubig bago isara ang mga luma.

Kaugnay nito, inilatag ng Shanxi Hydraulic Engineering Construction Bureau Co. Ltd., China Water Resource Beifang Investigation Design and Research Co. Ltd, at Shanxi Hydroelectric Investigation & Design Institute Corporation Ltd. consortium na siyang kontratista ng Bigte-Novaliches Aqueduct 7 Project ang catch-up plan upang mapabilis ang pagkukumpleto ng proyekto.

Sinabi ni Ray Vale Ebarle, project manager ng consortium, kabilang sa lalamanin ng catch-up plan ang pagdadagdag ng mga tauhan mula sa kasalukuyang 300 sa pagiging 600 na mga manggagawa.

Gagawin na ring dalawa ang mga Rolling Machine mula sa ngayong iisa lamang.

Ito’y upang maparami ang mga pipes na nagagawa sa kada isang araw mula sa iisang pipe lang ang nagagawa sa ngayon.

Target sa Disyembre 2023 na makagawa ng dalawang pipe kada isang araw, tatlo sa Pebrero, apat sa Abril at pito sa Hulyo sa 2024.

Hindi magdadagdag ng gastos ang pamahalaan ng Pilipinas tungkol dito. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here