isang maralitang dulang may apat na pinggan,
apat na pinggang may laman,
apat na tuyong animo’y kalansay,
apat na gasandok kanin
ang papasok sa mga tiyan,
dalawang patpating paslit,
ang magpapaligsahan
sa hapag kainan.
isang ama at isang ina
ang nagmamasid,
isang pusang naghihintay
sa kalansay na tuyong wala nang tinik,
isang aandap andap
na tinghoy ang naghahasik,
ng pilit na liwanag sa mga
dukhang paslit na hindi makahibik.
ang ama’y uubo ubo sa tindi ng karamdaman,
na likha nang paglilinang
ng lupang biglang kinamkam,
salat nga sa dunong at pinag-aralan,
dinayo ang isang anak sa kabihasnang tinawag na
KAMAYNILAAN.
ang anak ay nagsikap sa kanyang pag-aaral,
ang pag-asang DIPLOMA ay dapat matanggap ng mga magulang,
ngunit ang pag-ibig ay kusang bumukal,
umibig sa isang dilag na kilala sa angkan ng mayayaman.
minsan pang inapi ang anak ng dukha,
ang babaeng minahal ay sumama sa lalakeng may kaya,
ganito naghimagsik, natutong lumaban sa batas ng puso’t bansa,
naging aktibista sa pakikipaglaban ng prinsipyo’t dangal ng kanyang kapwa.
dumagundong ang aktibismo sa lahat ng panig,
maraming nasakta’t nagbuwis ng buhay at napiit,
dugong dumanak ay tinimbang sa bawa’t damit,
laman ay nagsabog,
mga utak ay nagkalat na hindi mawalis.
isang kalatas na nagbuhat sa lungsod ang nakarating,
sa kamay ng mga magula’t
kaagad binasa sa pagmamatulin,
patay na ang panganay ito ang siyang habilin,
pangarap na diploma’y tinangay lang ng hangin.
apat na pinggan na lamang sa isang dulang,
noon ay lima at isa ang kulang,
isang pinggang dapat ay siyang
hahango sa kanilang KAHIRAPAN.
(malayang taludturan sa alaala ng batas militar)