Home Opinion Apat na dekadang hugot ng siphayo

Apat na dekadang hugot ng siphayo

167
0
SHARE

ARAW NG mga Puso. Putok na naman ang internet hindi lamang sa mga kakilig-kilig na bulong ng pag-ibig kundi pati na rin ng hinaing ng pagkasiphayo, ng buntong-hininga ng kasawian. 

Sa mga huling nabanggit, itinuturing ko nang klasiko ang kuwento ng isang katoto sa pinagpatnugutang lathalain sa kolehiyo noong dekada ’70, ang Regina ng noo’y Assumption College sa noo’y bayan ng San Fernando. Naisalaysay ko na rin ito  minsan sa mga pahina ng Punto! at nais kong muling ibahagi rito:  

Inirog, dinakila’t sinamba ng aming makata ang isa sa aming mga manunulat ng balita. Subali’t kung gaano kadaling magtahi-tahi ng binukayong berso’t ugoy ng rima, gayun naman kahirap nitong isabibig ang nagpupuyos na pagmamahal, ang alab ng pag-ibig sa kanyang sinisinta.

Tila baga’y sapat na’ng siya’y mabanaagan man lamang ng sulyap, at langit na mismo ang kanyang narating. Kaya hayun, sa kawalan din nauwi ang pahaging hangin. 

Ang mga landas ay tuluyan nang nagkahiwalayan sa pagtatapos ng pag-aaral.

Apatnapu’t-dalawang taon eksakto ang lumipas nang muling magkatagpo-tagpo (Pebrero 2017) ang aming mga landas sa pagbabalikbayan ng pinakamamahal naming ina sa Regina, ang ngayo’y Ginang June V. Whitmer ng San Jose, California.

At sa ating makata, ang muling pananariwa ng naunsyaming pagmamahal na kinipkip sa kanyang puso sa loob ng apat na dekada; ang larawan ng inirog at sininta hanggang ngayo’y laman pa rin ng kanyang pitaka.

Ito ang kanyang hugot sa kanilang muling pagkikita na kanyang pinamagatang Isang araw na damdamin:

1  Tibok ng puso ko, ay di magkamayaw

Ang pangungulila, tuluyang naparam

Nawalay na hirang, muling magtitipan

Kaba ay nadama, gayon-gayun na lang.

2  Tanong sa sarili, hitsura’y ano na?

Di pa nagbabago, ang dating ganda n’ya?

Ang para sa akin, di na mahalaga

Ang magkita kami, akin nang ligaya.

3  Bawal mang isipin, asawa’y mayron na

Ang aming tadhana, di sa isa’t-isa

Naputol na lubid, bubuklurin pa ba?

Maaaring ‘sang araw, maging alaala.

4  Habang pumapasok, ay lalong ninerbyos

Nandyan na kaya, ang irog kong si B…ts

Aking naririnig, halakhak sa loob

Pamilyar na boses, sa ‘ki’y nagpakabog.

5  Subali’t naglaho, nang aking makita

Kanya ay kaakbay, mahal na asawa

Di ko na pinansin, nabaling sa iba

Kirot sa puso ko, para lang mawala.

6  Lihim na pagsulyap, ang aking ginawad

Ni harapin siya’y, di ko na hinangad

Ba’t pa isinama, ang kanyang kabiyak

Di man malapitan, di man makausap.

7  Kusa s’yang lumapit, ako’y kinausap

Ang pag-aalangan, di pa rin mabawas

Gusto mang magtanong, ay di naganap

May pader sa gitna, gusto kong mabuwag.

8  Ang mga pasaring, sa aming dalawa

Sa aking kalooban, ay nagpapasaya

Dating kalungkutan, ang palit ay tuwa

At sa bandang huli, ay pansamantala.

9  Matuling lumipas, ang mga minuto

Ang pamamaalam, ng bawat katoto

Minsan pa’y nadama, ang pagkasiphayo

Aking ginigiliw, kailan magtatagpo?

10  Nang s’yay nagpaalam, di ko na tiningnan

Baka mabakas n’ya, aking kalungkutan

Palad n’yay yumapos, sa ‘king mga kamay

Pumawi sa hapis, sa kanyang paglisan.

11  Kailan magkikita, ‘yan di ko pa alam

Di ko pa rin alam, ang mararamdaman

Kung gaya ng dati, sana’y huwag na lang

Salang ituturing, sa asawang mahal.

Ah, sa lalim ng hugot ng aking kaibigan, aking nasambit lang: Sa wagas na pagmamahal, walang sala, walang bawal. Gan’un pa man, di ko napigil “mag-poesyang” Kapampangan:

Apat nang decada
Mepuput a sinta
Misapuac, misalbag,
Meualang alaga.
Taram ning nasa man
Qng berso ning poeta
Culang yang pamutut
Qng bucnul ning lugud
Tali cang ‘urelia
Ning mal nang asawa.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here