Pinaliwanag ni PACC Chief Greco Belgica na ang pagtatatag ng Provincial Anti-Corruption Committes ay para makatuwang nila ang mga LGU’s sa paglaban sa katiwalian sa mga lokal na pamahalaan.
LUNGSOD NG MAYNILA —- Para higit pang palakasin ang kampanya ng Administrasyong Duterte laban sa katiwalian ay binabalangkas na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at ng League of Provinces of the Philippines ang Provincial Anti-Corruption Committees (ACC’s) na lalaban sa korapsyon sa mga Local Government Units.
Sa pangunguna ng PACC at ng mga gobernador sa lalawigan ay ginawa ang pagpupulong kasama ang mga kinatawan mula sa 81 na lalawigan at pinag-usapan ang mga hakbangin para sa mas malawak na implementasyon ng “Project Kasangga: Aksyon laban sa Korapsyon”.
Dito ay pinaliwanag ni PACC Chief Greco Belgica na kasunod ng pagtatatag ng National Anti-Corruption Coordinating Council (NACCC) na binubuo ng 49 na ahensya sa ilalim ng Punong Ehekutibo, ay plano naman nilang itatag ang Provincial ACC’s para makatuwang sa paglaban sa katiwalian sa mga lokal na pamahalaan.
Ani Belgica, sa pagtatatag ng Provincial ACC’s sa bawat probinsya ito ay bubuuin ng: Governor, Vice-Governor, Liga ng Mga Barangay Provincial -President, Provincial Director ng DILG, Provincial Legal Officer at Provincial Prosecutor.
Kasama din ang mga kinatawan ng private sectors mula sa Media, Business, at Religious Sectors gayundin ang Regional and Provincial Director ng: Philippine National Police; National Bureau of Investigation; Social Welfare and Development Office; Public Works and Highways; Department of Trade and Industry, Labor and Employment; Department of Education; Health Officer; Environment and Natural Resources Officer; Provincial Information Officer Regional Head ng NICA; Commission on Human Rights; Bureau of Immigration; Armed Forces of the Philippines at magsisilbi naman bilang secretariat dito ang opisina ng Provincial DILG.
Ang Provincial ACC’s ang mangunguna sa pagmomonitor ng mga corruption-related cases sa loob ng kanilang mga probinsya gayun din ang pagkokonsolida at pagrereport nito Pamahalaang Nasyunal.
Ito din ang mangunguna sa pagvalidate ng mga impormasyon na natatanggap patungkol sa korapsyon na nasasangkot ang mga opisyales sa loob ng probinsya.
Ang Provincial ACC’s din ang magsasagawa at magpaplano ng mga anti-corruption policies, programs and activities upang mas mapadali ang pag-identipika ng mga corruption-prone na ahensya at mga proseso sa mga probinsya.
Kasama din dito ang pagtatayo ng sarili nilang Complaint Action Center o hotline na maaaring matawagan o mapuntahan ng bawat mamamayan sa mga lalawigan upang maidulog ang hinaing laban sa korapsyon.
Napag-usapan din ang pag-oorganisa ng Provincial ACC’s sa mga stakeholders ng bawat probinsya upang makatulong sa pagpapalaganap ng impormasyon bilang suporta sa mga programa at proyekto ng ating gobyerno laban sa korapsyon.
Kapag nailunsad na ang Provincial ACC’s ay gagawa naman sila ng kani-kanilang Executive Order na lilikha ng mga Anti-Corruption Committees kasunod ng paglulunsad ng kanilang mga oath taking.
Ayon pa kay Belgica, ang Project Kasangga ay ang whole-of-nation approach ng administrasyong Duterte para sa mas malakas na paglaban sa kurapsyon na kanilang gagawin hanggang sa huling araw ng kasalukuyang administrasyon.
“Ito po ang iiwanang legasiya ng Pangulong Duterte sa paglaban sa katiwalian na ipagpapatuloy na lang ng susunod na pamahalaan dahil naitanim na po natin ang sistema na makakatulong sa mas mabilis at kongkretong paglaban sa korapsyon,” diin ni Belgica.