LUNGSOD NG MALOLOS – Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan kamakailan ang isa na namang mahalaga at napapanahong batas, ang Panlalawigang Kautusan Blg. 2012-06, “Ordinansang sinasawata ang pag-iral ng pananakot at panduduro o “bullying” at anumang kahalintulad nito sa lahat ng mga paaralan, pribado o publiko man, sa lalawigan ng Bulacan.”
Sa ordinansang ito, ipinagbabawal ang panduduro sa mga mag-aaral sa lahat ng paaralan sa lalawigan, at inaatasan ang mga eskwelahan na magbalangkas ng mga alituntunin at regulasyon laban sa pananakot o panduduro sa mag-aaral.
Binuo naman ang Panlalawigang Konseho sa Pagsasawata sa Bullying (PKPB) upang gumawa ng mga polisiya at magmonitor sa implementasyon ng nasabing ordinansa.
Ito ay pinamumunuan ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at ng pangulo ng mga alkalde sa lalawigan na si Mayor Donato Marcos kasama ang mga kinatawan mula sa Department of Education (DepEd), pangulo ng Liga ng mga Punong Barangay sa lalawigan, BULPRISAA (Bulacan Private Schools Athletic Association), people’s organizations, non-governmental organizations, religious groups, at PAGE (Philippine Association of Graduate Education- Bulacan Chapter).
Ang “bullying” ay isang malubha at paulit-ulit na gawain ng isa o higit pang mag-aaral na maaaring pasulat, berbal o “electronic” na pagpapahayag, o pisikal na agresyon upang takutin o bantaan ang kapwa mag-aaral.
Ito ay may iba’t-ibang anyo tulad ng panduduro, panliligalig (harassment or provocation) o paggamit ng masasakit at malalaswang salita (foul language, name calling, tormenting or even commenting negatively on someone’s looks clothes and body).
Kasama rin dito ang panununtok, panunulak, paninipa, pananampal, pangingikil, panghihiya sa publiko o panunukso, at ang pinakabago, ang tinatawag na “cyber-bullying,” na isinasagawa sa pamamagitan ng mga kagamitan at serbisyong electronic tulad ng cell phones, computers, internet, chatting at social networking websites.
Base sa pag-aaral, pito sa 10 estudyante ang nagiging biktima ng bullying na karaniwang nagaganap sa primarya at elementarya na nakapagpapapurol ng isip at nakapagpapahina ng kanilang determinasyong mag-aral dahil sa takot sa kaklase.
Sinumang empleyado o opisyal ng eskuwelahan na lalabag sa nasabing ordinansa ay magmumulta ng P5,000 at papatawan ng anim na buwang pagkakakulong.
Inaasahang malulutas at masusugpo ang sinasabing laganap na insidente ng “bullying” sa pamamagitan ng ordinansang ito na iniakda nina Bokal Therese Cheryll Ople ng Unang Distrito at Bokal Mark Jerome Anthony Santiago, Pangulo ng Panlalawigang Pederasyon ng Sangguniang Kabataan.