Anong mayrun sa ‘public cemetery’ ng San Simon?

    611
    0
    SHARE
    Kung anong mayrun sa ‘public cemetery’
    Ng San Simon itong sa ‘tin itinimbre
    Nitong ilang apektadong residente
    At nagawi na sa libingang nasabi

    Hinggil sa kakaibang tanawin sa lugar,
    Kung saan maliban sa nitso ng patay
    Kurus na pananda at rehas na bakal
    Ay may makikita rin yatang kulungan?

    Ng baboy at manok puwera pa sa kambing
    Na nakatali at tila doon na rin
    Nakatira pati itong sinasabing
    May-ari n’yan ayon sa ‘informants’ natin.

    Na talaga namang pang-‘believe it or not’
    Ang puedeng makita kahit anong oras
    Sa lugar kung saan may mga nagkalat
    Na dumi ng kambing at iba pang etsas!

    Sa bungad pa lang ng naturang libingan
    Ay masisingot na rito ang kakaibang
    Amoy na bukod sa ya’y napakasansang,
    Nakapandidiri kung ating pagmasdan.

    Aywan nga lang natin kung bakit umabot
    Sa puntong pati na ibabaw ng puntod
    Ay nagsilbi na ring kulungan na halos
    Ng kanilang alagang kambing at manok.

    Bukod sa ibang puntod na naging patungan
    Na ng kaldero at ginawang sangkalan
    Ng ‘gas store’ saka iba pang lutuan
    Na medyo ma-uling at maruming tingnan.

    At kahit kaunti man lang yatang respeto
    Sa kaluluwa ng nakahimlay rito
    Ay wala na, kaya anuman siguro
    Ang ninanais ay ginagawa rito?

    At walang pangiming gawin ang anuman
    Sa ibabaw ng nitso at kapaligiran,
    Kahit batid nilang ya’y paglapastangan
    Pati sa pamlya ng mga namatay?

    (Na kung puede lang sigurong magreklamo
    Ang mga patay na, ginawa nang piho
    Sanhi na rin nitong malaking istorbo
    Na ginagawa ng nakatira rito)

    Sa puntong yan, komo itong mga patay
    Ay di magawang magsumbong sa barangay,
    Kay mayor, kay gob o kaninong konsehal
    Hahayaan na lang nating magkaganyan?

    Ang huling hantungan ng mga yumao
    Nating kapamilya ay maging mabaho?
    Na di maikakaila partikular na po
    Sa pang-amoy nitong dito nagtutungo.

    Residente lang ba ng bayang San Simon
    Na apektado r’yan ng masamang amoy
    Nitong sementeryong ating tinutukoy
    Ang may karapatang gumawa ng aksyon?

    Upang ang naturang ‘public cemetery’
    Na ngayon ay naging tapunan ng dumi;
    At kung saan ito animo ay ‘poultry’
    Ng baboy sa bungad pa lamang o ‘entry”

    Ay mapag-ukulan ng matamang pansin
    Ng kung aling sektor ng gobyerno natin
    Ang pagpapalis sa mga nasabing
    ‘Informal settlers’ at mababahong kambing.

    Na nakasisira sa imahe nitong
    ‘Public cemetery’ ng bayang San Simon
    Na parang ‘poultry’ na ng kambing at baboy
    Ang bukana nito sa sama ng amoy!


    SHARE
    Previous articlePaalam, JLP
    Next articleThe waiting game

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here