Taong mil nuebe sientos nobenta’y otso,
pinahayag ni Emilio Aguinaldo
sa Cawit, sa harap ng maraming tao
ang paglaya nating mga Pilipino
Mula sa malupit na pamamahala
ng mapang-aliping dayuhang Kastila
na tatlong daang taon ding nagpasasa
sa lahat ng bagay dito sa’ting bansa.
Subalit di pa man nga lubos nalasap
ang tamis ng layang laong pinangarap,
galing sa kung saan dumaong at sukat
ang isa pang mapanakop na mautak.
At sila, tulad ng sakim na nauna,
ang sumikil muli ng independensya
sa pamamagitan ng pagdikta nila
kay Juan, sa kung anong dapat gawin niya.
Na kung saan tayo’y may naturingan mang
nangangasiwa sa ating pamahalaan,
ngunit nasa likod pa rin si Uncle Sam
at ang nasusunod kanyang kagustuhan.
At makaraan lamang ang ilang taon
sinalakay tayo ng ganid na Hapon,
at ang inaasam nating magtatangol
umatras kasama ang Pangulong Quezon
Nang di makayanan nilang sagupain
ang isa pang imbi na nagpasasa rin
sa likas na yaman at sa dangal natin,
na nilugso nila sa likod ng dilim.
At sa pagbabalik lang nina McArthur
nabawi mula sa imperyo ng Hapon
ang huwad na layang ibinigay noon
ni Sam, nang kusa nang ipag-utos nitong
Ibaba ang ‘Stars & Stripes’ at itong
may tatlong bituin at sinag ng araw
ang itaas, kasabay ng proklamasyon
ng anila’y ganap nating paglaya raw.
Ngunit tayo nga ba’y malaya nang tunay
sa kuko ng makapangyarihang kamay?
Tulad nitong ngayon ay may naka-ambang
panganib sa bansa sanhi ng agawan
Sa Scarborough shoal, na anumang oras
posibleng magdulot sa ‘tin ng lingangnas,
kung magpatuloy sa pag-angkin at sukat
ang China sa sakop nitong Pilipinas.
Liban pa rito sa kamakailan lamang
may napabalitang barkong panggyera riyan
itong Amerika na di natin alam
kung ano rito ang sadya n’yan o pakay
Kaya nga marahil nitong nakalipas
na linggo, si PNoy biglang kumaripas
ng takbo kina ‘great Black Father’ (ang tawag)
sa White House para lang “magsumbong” at sukat?
Pero di ba dapat maging maingat din
sa puntong naturan ang Pangulo natin
pagkat sa ganitong systema maaring
lumaki ang sunog sa di akalain.
Kaya sa puntong yan, kahit naturingang
may pinagdiriwang tayong kasarinlan,
yan di pa rin natin ganap na nakamtan
sapagkat di natin kayang tumayo riyan
Ng mag-isa sa sariling mga paa
kung wala sa ating likuran kumbaga
ang sinuman gaya nitong Amerika,
sanhi ng tayo ay di nagkaka-isa?
Sa isang mithiin na magpapatatag
sa’ting soberenya at sariling lakas,
na kung saan kikilalanin at sukat
ng ibang lipi riyan ang ating dignidad.
At di kanya-kanya ng hila sa kumot
itong opisyal na karamihan halos
ay di makatiis yatang mamaluktot
habang itong bayan ay naghihikaos!