LUNGSOD NG BALANGA — Anomang kalamidad o pandemya tulad ng nararanasan sa halos buong daigdig na dulot ng coronavirus disease ay hindi kayang igupo ang ligayang dulot ng Pasko sa buhay ng maraming Filipino.
Sa katunayan, kahit sa payak na paraan lamang tulad ng mga Christmas decorations na unti-unting nagsusulputan sa Bataan ay nakadarama na ng ligaya ang maraming tao.
Bataan Capitol
Nagniningning ang Bataan Capitol compound at ang itaas na bahagi ng The Bunker, bagong opisina ng provincial government, dahil sa kaakit-akit na mga palamuting pamasko.
Sa bungad pa lamang papasok sa kapitolyo ay kapansin-pansin na ang mga bituing palamuti na tila nanghahalina at nagsasabing “welcome, pasok na kayo.”
Sa gitna ng capitol compound, may makulay na malaking Christmas tree na flower-inspired. Maraming Christmas tree na gawa sa kapis at sa pagitan ng isang grupo ng mga Christmas tree ay ang belen.
Mula sa capitol compound sa likod ng lumang capitol building, namumukod ang liwanag na may iba-ibang kulay at waring sumasayaw sa kalangitan mula sa dome ng six-storey The Bunker.
Ang lumang capitol ay ginawang annex ng Bataan General Hospital and Medical Center.
Tuwang-tuwa ang mag-aanak lalo na ang mga bata na nagkaroon ng pagkakataong maglaro at magkuhanan ng larawan.
Sta. Rosa, Pilar
Isang malaki at magandang belen sa isang sulok ng malaking tulay na nagdurugtong sa bayan ng Pilar at Balanga City sa Bataan ang umaagaw ng pansin sa mga naglalakad na mga tao at mga motorista.
Kapansin-pansin ito sa gitna ng dilim bagama’t hindi masyadong maliwanag ang mga ilaw nito.
Ang belen sa Barangay Sta. Rosa ay gawa sa mga tinilad na kawayan, kugon, at iba pang recycled materials.
Munisipyo ng Pilar
Nagniningning din sa liwanag mula sa mga palamuting pamasko ang harapan ng munisipyo ng bayan ng Pilar sa Bataan at maging sa katapat na Flaming Sword marker sa kabila lamang ng kalsada.
Isang belen ang nasa ilalim ng Flaming Sword marker na sagisag ng kabayanihan ng mga sundalong Filipino noong nakaraang World War II.
Ang makasaysayang Mount Samat kung saan nandoon ang Dambana ng Kagitingan at war memorial cross ay bahagi ng bayan ng Pilar.
Kaakit-akit ang mga inanyuang Christmas lights sa paligid sa harap ng munisipyo kung saan may malaking Chirstmas tree.
Wiling-wili ang mga tao lalo na ang mga bata na waring nakatagpo ng magandang playground samantalang panay naman ang kuhanan ng larawan ng mga bata at matanda.