ISANG milyong piso na tumataginting ang naging kabayaran umano bilang kontrata nitong si MR. SINGSON para mapasakamay nito ang operation ng Night Market (tiange) sa loob ng tatlong buwan sa FSC ground sa SBMA matapos itong mai-award ng SBMA sa Olongapo City government sa bisa ng isang City Resolution.
Ang nakapagtataka, bakit ganun kababa ang naging kontrata? ISANG MILYONG PISO, samantalang nitong huli kumita ang FSC ng 12-MILLION PESOS labas na dito ang lahat ng gastos. Aba! Sa halip na kumita, palugi.
Ang malaking katarantaduhan dito, noong mga nakalipas na taon, galit ang pamunuan ng Olongapo City government sa pagkakaroon ng Night Market sa SBMA. Diba nga sinabayan din nila ito at ang mga nagtinda naman ay mga taga Olongapo, pero mas tinangkilik ng mamayan ang Night Market sa SBMA.
O, diba? Ipaliwanag niyo nga Mayor James Gordon, ikaw din SBMA Administrator Armand Arreza, huwag mong sabihin hindi mo ito alam dahil katakot-takot na rally ang naganap sa harapan ng Freeport Main Gate dahil lamang sa usapin sa Night Market. At inutusan pa ninyo ang FSC na pangunahan ang pag-award at kaagad na implementasyon sa pagbubukas ng Night Market.
At ang galit na galit na mga tauhan ng City Government ang siya ngayong namamayagpag sa Night Market?
At alam ba ninyo na ang Night Market ay mayroon humigit kumulang sa 80-stalls at ang bawat isa dito ay nagkakahalaga ng P80,000 hanggang P100,000, ito ay depende sa klase ng iyong paninda, ito ay sa loob lamang ng tatlong buwang renta. Maliban sa renta sa stall may babayaran pang tinatawag nilang “daily dues”, bayad daw sa ILAW at TUBIG, sa halagang di bababa sa P500.
Muntik pa ngang maisan ang FSC dito, pumalag nga lang ng sabihin sagot na ng FSC ang ILAW at TUBIG. Ang laking suwerte ano, kikita na nga sila, peperwesyuhin naman ang iba.
Kapuna-puna din na nagmistulang “Tent City”,ang kapaligiran ng FSC Ground dahil sa dikit-dikit ang mga bubungan ng stall, napakakitid ang pasilyo na iyong dadaanan at tiyak kapag nagkasunog tipok ka.
Sakripisyo naman ang mga motorista na siyang labas-pasok sa SBMA sa tuwing mapapadaan sa lubak-lubak na tulay ng Magsaysay Bridge na siyang nag-uugnay sa Olongapo City at Freeport Main Gate. Dapat nasimulan na ang pagsasaayos dito, at dahil sa Night Market hindi ito natuloy saan nga naman dadaan ang mga tao.
Sa kabilang banda, tutol naman daw itong si SBMA Administrator Armand Arreza sa planong gawing Terminal ng mga sasakyan ang FSC Ground na siyang kinatatayuan ng Night Market.
Sisimulan na dapat ang konstruksyon sa JANUARY, 2009 at naka-plano ang lahat.
Mula sa RIZAL GATE hanggang sa paradahan ng mga Taxi at bus kasama na ang PARK “N” SHOP ay ire-redevelop daw ito.
Maging ang Subic Command (SUBCOM) na ngayon ay tanggapan ng FSC ay gigibain din at dipa mabatid kung saan ito itatayo. Ganun naman pala eh! May ibang plano.
Kaya itong si Mr. ARREZA pala ay nakipag-kontrata na umano sa AYALA Group of Company na siyang mangangasiwa sa pag-develop sa nasabing lugar.
Hehehe, akala mo sir dika mabubuko ha?
Yun palang re-construction ng KALAKLAN BRIDGE na halos dina madaanan ng mga sasakyan, tila may nakatago din itong anomalya ah!
Abangan ang lahat ng ito!