Ano ba talaga, ‘treasure hunting’ or ‘illegal logging?’

    543
    0
    SHARE
    Kung taga Arayat ang nagsabi mismo
    Na may iligal na aktibidad dito
    Gaya ng anila nga po’y pagtutroso
    At “treasure hunting” ay di malayong ito

    Ang naging sanhi ng “landslide” sa naturang
    Bayan na kung saan ang kaawa-awang
    Magpapamilya ay nalibing ng buhay
    Habang kasagsagan ng hangin at ulan;

    Dulot ng malakas na “tropical storm”
    O bagyung pinangalanan nilang Ondoy;
    Na nanalasa sa buong Sentral Luzon,
    NCR, at ilang bayan sa Region IV.

    Nakapagtatakang nangyari at sukat
    Sa naturang bayan ang grabeng “landslide;”
    Kung kaya malaki ang posibilidad
    Na totoo ang nasabing aktibidad;

    Aywan lang kung bakit itong DENR
    Ay tila ni walang masabi hinggil d’yan
    Gayong sa balikat nila naka-atang
    Ang mangalaga sa ating kalikasan.

    Sila itong taga-isyu ng pahintulot
    Sa pagmimina sa ating mga bundok;
    Pero ano itong sabi’y nakapasok
    Na “treasure hunter” d’yang naghukay sa loob?

    At ayon sa ilang taga roon mismo
    Ay dinig pati ang “blastings” mula rito
    O pagpapasabog sa parteng mabato
    Ng bundok kung kaya pihong may milagro!.

    Kung di pagmimina, at ang sabi nitong
    Isang nangangalang Ricardo Calderon,
    Na diumano ay Executive Director
    Ng DENR dito sa 3rd Region,

    Ay “treasure hunting” nga’t pinaalis na ‘yon,
    Pero alam n’yo bang di magtatapos d’un
    Ang isyu hinggil sa ilang negatibong
    Epekto ng mga pinag-gagawa r’on?

    Natural lamang na ang lupa’y lalambot
    At magkakaroon ng bitak ang bundok,
    Na siyang naging sanhi nitong pagdausdos
    Ng naglalakihang batong nangahulog;

    Na kaalinsabay nalaglag sa bubong
    Ng mabatong lupa, na siyang nagbaon
    Ng buhay sa ilang residente roon;
    Bunsod ng ginawang paghuhukay doon!
     
    Maari bang kahit sino’y makapasok
    Kung di DENR din ang nagkaloob
    Ng kung anu-anong mga rekisitos,
    Na kinakailangan upang makakilos? 

    Pero kung ganitong mistulang inutil
    Ang namamahala n’yan dito sa ‘tin,
    Ano pa nga ba ang pinakamagaling
    Liban sa siya ay marapat kwestyunin?
     
    Partikular hinggil sa patuloy pa rin 
    Umano sa lugar ang “illegal logging,”
    At yan madali raw pong mapapansin
    Sa nagsulputan d’yan na “furniture making?”

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here