Ano ba talaga ang totoo?

    360
    0
    SHARE
    Kung tunay ngang si Poe ay hindi maaring
    Tumakbo para sa eleksyong darating
    Eh, bakit ngayon lang naisip sitahin
    Ng mga damuho ang ‘Anak ni Da King?’

    Matapos mahalal bilang Senadora,
    At ilang taong ding nakapagsilbi na?
    Sana noon pa mang unang pagtakbo niya
    Ay hinarang na ng mga kontrabida.

    At di nitong kailan patapos na bale
    Ang ‘term of office’ ng mabait na Ale,
    Saka sasabihing siya’y di pupuede,
    Pero hinimok tumiket bilang Bise

    Nitong iba gaya ni Binay at Roxas?
    Kaya tunay namang napakaliwanag,
    Na self interest ang dahilan ng lahat
    Kung bakit siya’y hina-hanapan ng butas.

    Bakit kung di dahil sa pagtanggi nito
    Na makatambal siya sa pagka-Pangulo
    Ay di umangal ang alin pa mang kampo
    Para harangin n’yan ang kanyang pagtakbo?

    Eh kung halimbawang napapayag nilang
    Tumiket kay Roxas o kaya kay Binay
    At naipanalo ang kanilang laban,
    Pero ang halal na Pangulo namatay?

    Sino ang papalit o maupo dapat
    Kundi ang Vice ayon sa Saligang Batas?
    Alangan namang ang pumalit at sukat
    Ay kung sino lang na biglang isasalpak.

    At kung igigiit mandin ng kalaban,
    Na disqualified siya kaya hinaharang
    Ang pagtakbo nito ya’y napakalinaw
    Na katangahan ng kinauukulan.

    Ganun pala – sana nang humabol siya
    Noong 2013 kinuwestyon na nila
    Ang citizenship ni Grace kung Filipina
    O apo ni Uncle Sam ng Amerika.

    Disin sana ay kung sino ang pang-huli
    O panglabing-tatlo sa resulta bale
    Ng senatorial race, ang ngayon kasali,
    Sa Senate (at baka nag-Speaker pati?

    At kung saan ayon sa napabalita
    Ay sinusulsulan si Dick Gordon yata
    Ng kung sino upang i-claim niya ng kusa
    Ang posisyong dapat sa kanya ika nga?

    Kung ang pagtakbo ni Ms. Grace Poe ay labag
    Sa Omnibus Election Code nitong Pinas;
    Aywan lang kung may legal effect na dapat
    Masunod upang si Gordon maka-akyat? )

    Kaya sa puntong yan na kung kailan si Poe
    Ay hahabol nga siya sa pagka-Pangulo,
    Saka lang sinita ng kalabang kampo,
    Yan ay pinagtaka ng maraming tao.

    At posibleng kapagka’ napatunayan
    Na ang paghabol niya ay may legal stand,
    Higit pa marahil sa inaasahang
    Makukuhang boto baka dumoble yan.

    Dahilan na rin sa lalong lumalakas
    Ang candidacy ng taong sumisikat
    Sa mga batikos na hindi marapat
    Ibato para lang siraan at sukat.

    Aywan nga lang natin sa ibang tao riyan
    Kung bakit nang dahil sa personal nilang
    Hangaring minsan ay ‘self interest’ lamang
    Ay nagagawa ang hindi karampatan!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here