HANDANG-HANDA na si Anne Curtis para sa kanyang second major concert sa Araneta Coliseum sa May 16, ang Annebisyosa 2: The Forbidden Concert! Annekapal!
Sobrang pagre-rehearse nga ang ginagawa ni Anne para sa kanyang death-defying at forbidden aerial stunts na first time niyang gagawin at first time ring makikita sa isang local artist.
Lilipad siya sa buong Araneta Coliseum habang sumisirku-sirko gamit ang harness na mula pa sa sikat at sosyal na Broadway production Cirque de Soleil. Nu’ng una, ayaw sa-nang payagan ng Araneta management ang ideya ng paglipad ni Anne sa buong coliseum dahil napakadelikado raw.
Ilang beses nakipag-usap ang Viva Concerts at Annebisyosa Productions Inc. sa Araneta at muntik pa nga silang magpalit na lang ng venue. Buti na lang, nagkaayos din ang magkabilang panig at eventually, pinayagan na rin ng Araneta ang gustong mangyari ng kampo ni Anne.
Dahil sa nasabing makapigil-hiningang aerial stunt, ikinuha rin ng Viva ng multi-million-peso insurance ang TV host-actress, na excited na excited tuwing nire-rehearse ang gagawing paglipad sa isang concert for the first time.
Hindi lang ’yan, ang isa pang sorpresang dapat abangan ng concertgoers ay ang costume changes ni Anne. Sosyal at state-of-the-art ito, ha. De-pindot ang bawat pagpapalit niya ng damit, na kung tawagin ay mechanical costume change.
Ang ilan sa mga de-kalibreng designer na gumawa ng isusuot ni Anne ay ang The Blondes, isang New York-based design duo na nakatrabaho na ng mga sikat na international artist gaya nina Beyoncé, Christina Aguilera, Jennifer Lopez, Miley Cyrus, Katy Perry, Taylor Swift at Selena Gomez, to name a few; at Suko Kudo, isang London-based Japanese luxury latex wear designer na dinamitan na sina Rhianna at Madonna.
Uulan din ng apple sa stage at sasakay ang bida ng Dyesebel sa isang 10-foot apple habang kuma-kanta, sasayaw ng snake dance at may production number na mala-50 Shades of Grey. “Lahat ng associated sa salitang ‘forbidden’ tulad ng mansanas, ahas ay gagawin at gagamitin ni Anne,” sey ng isang taga-Viva.
Bukod diyan, mabibigat din ang guests ng TV host-actress. Nariyan sina Martin Nievera, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Robert Seña at makikigulo rin sa concert ang trio nina Vhong Navarro, Luis Manzano at Billy Crawford.