LUNGSOD NG MALOLOS — Naging maganda ang ani na palay ng mga magsasaka sa Barangay Santor ngayong huling anihan para sa taong 2019 dahil hindi ito nasalanta ng malalaking sakuna.
Ito ang masayang reaksyon ng mga magsasaka dito habang ginagapas na ang kanilang ekta-ektaryang palayan para anihin at ibenta.
Sa mga nagdaang taon kasi ay karaniwang nasisira ang kanlang mga pananim dahil sa malalakas na hangin dulot ng bagyo, pagbaha o di kaya naman ay kakulangan ng irigasyon dahil sa tag-tuyot.
Ayon kay Melencio Domingo, pangulo ng mga magsasaka sa Barangay Santor, inaasahan nila na makababawi sila sa pagkakataong ito mula sa pagkalugi ng nakaraang anihan dahil sa bagsak na presyo din ang palay nitong nakaraang Mayo.
Plano nila ngayon na sa National Food Authority (NFA) ibenta ang kanilang mga palay dahil mas mataas ang bili ng ahensya ngayon kumpara sa mga commercial millers.
May hakbang din na ginawa ang mga magsasaka dito na makapagbenta ng palay sa lokal na pamahalaan para marami silang opsyon ng bentahan ng palay dahil sa kumpetisyon ng bilihan nito laban sa mga imported na bigas.
Panawagan nila sa administrasyong Duterte na bigyan ng dagdag ayuda ang mga magsasaka na nahirapan sa kanilang hanapbuhay magmula nang ipinatupad ang Rice Tariffication Law.
Hiling din ni Domingo na ang panukalang bigas na ipamigay sa ilalim ng 4P’s ay mula sa mga aning palay ng mga magsasaka.
Sa ganitong paraan anila ay matutulungan ng gobyerno hindi lamang ang mga miyembro ng 4P’s bagkus ay matutulungan din silang mga magsasaka dahil mabibili ng gobyerno ang kanilang mga palay.