ANI ALVARADO:
    ‘Akusasyon sa pagsisinop ng marmol, pulitika lang’

    375
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Walang nilabag na batas ang kapitolyo sa pagsisinop ng mga inabandonang bloke ng tea rose marble sa bayan ng San Miguel at ang akusasyon sa pagsisinop nito ay may bahid pulitika.

    Ito ang buod ng pahayag ng kapitolyo kaugnay ng inihaing reklamong Abuse of Authority sa Office of the President at Ombudsman laban kay Gob. Wilhelmino Alvarado dahil sa paglilipat ng mga inabandonang bloke ng marmol mula sa Barangay Sibul, San Miguel patungo sa Provincial Engineer’s Office (PEO), Barangay Tabang, Guiguinto noong Oktubre 20 at 21, 2010.

    Ang mga nasabing bloke ng marmol na tinatayang nagkakahalaga ng P1.5-milyon ay hinakot ng kapitolyo at pansamantalang isinailalim sa kanilang pangangalaga at upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan matapos itong abandonahin sa lansangan ng Barangay Sibul sa San Miguel noong 2008.

    “Ang pagkuha sa mga nakahambalang na marmol ay ayon sa batas yamang ayon sa Local Government Code Section 465 at Section 16 ay pinahihintulutan ang Punong Lalawigan na gumamit ng police power upang maiwasan ang posibleng kapahamakan at panganib sa buhay at ari-arian ng mga residenteng nasasakupan nito,” ani Alvarado.

    Sa kanyang counter-affidavit, ipinaliwanag niya na hindi na kailangan pang kumuha ng Ore Transport Permit (OTP) ng Pamahalaang Panlalawigan dahil nakasaad sa DENR [Department of Environment and Natural Resources]  Administrative Order No. 96-40 Series of 1996: Revised Implementing Rules and Regulation of The Philippine Mining Act of 1995 na tanging mga permit holders, contractors, accredited traders, retailers, processors at iba pang mining rights holders ang kinakailangang kumuha ng OTP mula sa regional director ng DENR.

    “The transfer of marbles to PEO by the Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) does not require the securing from the DENR of an OTP. Needless to say, the BENRO is not in any manner engaged in mining activity,” ani Alvarado.

    Kaugnay ng isyu sa OTP, ipinaalam din ni Alvarado na bago ang paglilipat, nakipag-ugnayan ang BENRO sa DENR anupa’t tumugon si Provincial Environment and Natural Resources Officer Elizardo Alberto sa isang sulat noong Oktubre 8, 2010 na nagsasaad na hindi na kailangan pa ng transport permit ng BENRO yamang ang mga ito ay abandonado at walang idineklarang nagmamay-ari.

    Bukod dito, nilinaw pa ni Alvarado na “properly documented and accounted ang pagkilos na ginawa ng BENRO” kung saan mayroong inspection team na binubuo ng mga kinatawan mula sa PENRO, BENRO, pulisya, media at iba pang NGOs na nakibahagi sa imbestigasyon at inspeksyon ng mga ito.

    Ayon naman kay Abogado Rustico de Belen, pinuno ng BENRO na batay sa resulta ng inspekyon, mahigit dalawang taon nang nakakasagabal ang mga abandonadong marmol kung kaya’t nararapat lamang na sinupin ang mga ito upang maprotektahan ang kaligtasan ng mga naninirahan doon.

    “Sinunod namin ang lahat ng itinagubilin ng batas kung kaya walang basehan ang inihaing reklamo,” ani De Belen.

    Sinabi pa ni Alvarado na patuloy pa rin niyang isusulong ang kapakanan ng mga Bulakenyo at susugpuin ang mga iligal na transaksyon sa kabila ng mga hamon at isyu na kinakaharap ng lalawigan.

    Nagpahiwatig pa ang gubernador na malaki ang posibilidad na pulitika ang layunin sa likod ng pagsasampa ng demanda sa kanya.

    “May mga taong hindi matanggap na ang ating pamamahala ngayon sa Bulacan ay tumutugon sa mga bagay na hindi nila natugunan sa nagdaang panahon katulad ng pagpapatigil sa illegal na pagmimina,” ani ng gobernador.

    Iginiit pa niya na “napakaaga namang akusasyon nito, halos pitong buwan pa lang ako sa puwesto.”

    Hindi man niya tinukoy ang pulitikong hinihinhalang nasa likod ang pagsasampa ng demanda sa kanya, tiniyak naman ni Alvarado na hindi na rin makapagmimina ang nasabing pulitiko at mga kaalyado nito kung hindi susunod sa batas.

    Sinabi pa ng gobernador na ilang marble processor ang nagkumpisal sa kanya na sila ay inudyukan ng isang pulitiko sa lalawigan na kasuhan si Alvarado, at kung hindi ay hindi na makakaakyat sa bundok at makapagmina.

    “Sabi ko doon sa processor na sabihin sa nag-udyok sa kanya na kasuhan ako na hindi na rin makakapagmina ang nag-udyok sa kanya,” ani Alvarado.  


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here