LUNGSOD NG OLONGAPO — Ipinag–utos ni Mayor Rolen Paulino, Jr. na ipinagpaliban muna ang implementasyon ng Angkas Pass hanggang hindi ito sumasang-ayon sa mga regulasyon ng National Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Ayon sa alkalde ito ay bilang pagrespeto sa desisyon ngpamhalaang nasyunal.
Dahil dito, nagpalabas si Paulino ng Executive Order No. 54-A — “An Order Amending Executive Order No. 54 Series of 2020 Allowing and Regulating Passengers for Private Motorcycles in the City of Olongapo During the Covid-19″.
Ayon sa alkalde naipaliwanag na niya sa IATF ang kanyang posisyon tungkol sa isyu at umapela siya na maipatupad pa rin ito.
Nauna nang nagpalabas ang pamahalaang lungsod ng Olongapo ng Executive Order No. 54, Series of 2020 na nagpapahintulot sa mga motorcycle driver na mag–angkas ng pasahero sa kanilang motorsiklo kung ito ay kasama sa bahay. Sila ay bibigyan ng tinawag kang Angkas Pass upang pahintulutang makadaan sa mga checkpoints.
Ang Angkas Pass ay inilabas ng pamahalaang lungsod para masolusyunan ang problemang kinahaharap ng mga mamamayan sa transportasyon sa ilalim ng umiiral na community quarantine.