Angeles pang-4 sa Batang Pinoy, 7 ginto nasungkit
    EdPam: Mga nanalong atleta bibigyan ng parangal at pabuya

    670
    0
    SHARE

    Ipinapakita ni Rommel Lucencio ng Lungsod ng Angeles (gitna) ang kanyang gintong medalya sa awarding kasama si Chito Loyaga, isa sa mga commissioners ng Philippine Sports Commission.

    LUNGSOD NG BAGUIO – Bagama’t hirap sila sa taas ng lugar at lamig ng panahon, nakasungkit parin ng pitong ginto ang Lungsod ng Angeles sa katatapos lamang na Batang Pinoy Northern Luzon leg mula November 24 hanggang 27 dito.

    Nakakuha halos ng medalya ang 26 na atleta mula sa tatlong koponan – table tennis, swimming at taekwondo – dahilan upang pumang-apat ang Lungsod ng Angeles sa overall ranking. Tanging ang koponan ng chess lamang ang hindi naguwi ng medalya.

     Humigit-kumulang sa 26 na lalawigan at lungsod mula sa rehiyon 1, 2, 3 at Cordillera Autonomous Region (CAR) ang sumali sa nasabing patimpalak.

    Ang lungsod naman ng Baguio ang siyang nanguna sa overall standing na nakasungkit ng 64 ginto, 54 pilak at 55 tansong medalya. Ang lalawigan ng La Union ay pumangalawa na may 10 ginto, siyam na pilak at walong tanso.

    Pumangatlo ang Lungsod ng Malolos, Bulacan na may 10 ginto, pitong pilak at pitong tanso. Maliban sa pitong ginto, nakakuha rin ang Lungsod ng Angeles ng 17 pilak at siyam na tanso.

    Ang swimming team ng Angeles naman ay nanalo ng anim na ginto. 

    Tinalo naman ni Rommel Lucencio si John Mark Caranto ng Pangasinan sa Championship sa table tennis bagamat bahagyang nasugatan sa kanang tuhod sa huling set ng laro.

    Sinabi naman ni Rosever Pascua, program head of the Angeles City Sports Office (ACSO), na nagpakita ng kakaibang galing ang mga kabataang manlalaro ng Angeles.

    “Hirap ang ating mga manlalaro lalo na sa taekwondo. Ang isa o dalawang magkasunod ng sipa sa kalaban ay humihingal agad sila dahil high altitude kasi ang Baguio,” ani Pascua.

    Ito rin aniya ang dahilan kung bakit pilit na dito nagsasanay ang mga boksingero ng Pilipinas. “Lumalakas kasi ang kanilang resistensya dito lalo na at sariwang gulay ang halos nakakain nila sa lugar na ito.”

    Sinabi din ni Pascua na ang lahat ng mga nanalo ng ginto at pilak na medalya ay sigurado ng lalahok sa pang-nasyunal na Batang Pinoy 2011 na gaganapin sa Lungsod ng Naga sa Bicol.

    Sinabi naman ni Pamintuan na bibigyan niya ng pabuya (incentives) ang mga atletang nagsipanalo noong nakaraang torneo.

    “Kailangan nating suportahan ng todo ang ating mga atleta lalu na ang mga batang manlalaro. Dapat ding parangalan ang mga nanalo sa mga kumpetisyon kagaya ng Batang Pinoy,” ani ng alkalde.

    Ang Batang Pinoy ay programang pampalakasan ng pamahalaan na naglalayong makatulong na maiangat ang antas at kalidad ng laro ng mga kabataang atleta sa lungsod na ito.

     

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here