Angat power plant nabenta na, workers posibleng matanggal

    388
    0
    SHARE

    LUNGSOD NG MALOLOS—Natuloy na ang pagbebenta sa Angat Hydroelectric Power Plant (ARHEPP) noong
    Lunes, Setyembre 2 kung kailan ay nagsimula rin ang tatlong buwang turnover o pagsasalin ng pamamahala.

    Dahil dito, ilang kawani ang nababahala dahil sa matapos ang tatlong buwang turn-over ay dalawang buwan
    na lamang ang nalalabi sa kanila, at pagkatapos noon ay hindi na nila alam ang magiging kapalaran nila.

    Ang tuluyang pagbebenta sa ARHEPP ay naging pinal matapos ipagkaloob ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corp. ang certifi cate of effectivity (COE) sa Korea Water Resources Corporation (K-Water).

    Ang K-Water, isang kumpanyang pag-aari ng pamahalaan ng South Korea, ang nanalo sa pagsusubasta sa
    ARHEPP. Ang impormasyon sa pagbibigay ng COE at tuluyahng pagbabenta ay kinumpirma ni Inhinyero Rodolfo German, general manager ng ARHEPP.

    “Natuloy na kahapon ang pirmahan ng COE,” ani German sa isang text message sa mamamahayag na ito
    noong Martes, Setyembre 3. Ayon kay German, ang paglagda ng PSALM at K-Water sa COE ay nangangahulugan din ng pagsisimula ng tatlong buwang turn-over o pagsasalin ng pamamahala sa ARHEPP mula sa pamunuan ng National Power Corporation (Napocor) patungo sa K-Water.

    Nilinaw din ng general manager na wala munang magiging pagbabago sa ARHEPP partikular na sa mga tauhan nito sa loob ng tatlong buwang turnover. “Retain muna ang employees for five months, then, hindi na namin alam kung anong mangyayari after that,” sabi ni German sa panayam. Dahil dito, ilang kawani ng ARHEPP ang nangangambang mawalan ng trabaho pagdating ng Pebrero 2014.

    Ilan sa kanila ang nagsabi na malaki ang posibilidad na sumailalim sa maagang pagreretiro ang ilang may
    edad na kawani, samantalang ang may mataas na posisyon tulad ni German ay malaki ang tsansa na maging
    bahagi ng pamunuan ng K-Water.

    May posibilidad rin na ilang mataas na opisyal ng Napocor sa punong tanggapan nito ang maagang magretiro upang sumama sa pamamahala ng K-Water sa ARHEPP.

    Ang paglagda sa COE ay naganap ilang taon matapos ipasubasta ang ARHEPP bilang bahagi ng pagsasapribado ng ilang ari-arian ng gobyerno.

    Ang pagsasapribado ng ARHEPP ay unang inilahad ni dating Energy Secretary Vincent Perez sa panayam sa Malolos noong 2004. Matapos ang subasta, nagwagi ang K-Water ngunit naipagkaloob lamang sa kumpanyang Koreano ang notice of award matapos maglabas ng desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 2012.

    Ang desisyon ng Korte Suprema ang nagpatibay sa pagsasapribado ng 246-megawatt na ARHEPP. Ang ARHEPP na matatagpuan sa Hilltop, Norzagaray, Bulacan ay bahagi ng pasilidad ng Angat Dam na may dalawang pangunahing layunin.

    Una, ang Angat Dam ay pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng Kalakhang Maynila. Bahagi rin nito ang ARHEPP na lumilikha ng kuryente at pinadadaloy sa National Grid Corporation of the Philippines
    (NGCP).

    Dahil naman sa pagbibigay ng PSALM ng COE sa K-Water, inaasahang ibibigay na nito sa gobyerno ang
    paunang bayad na katumbas ng 40 porsyento ng kanilang winning bid na $440 milyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here