Angat Dam tigib sa tubig, magpapatapon hanggang Pasko

    413
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan – Magpapatapon ng tubig ang Angat Dam hanggang sa Pasko dahil sa tigib na ito sanhi ng pag-ulan sa kabilan ng kawalan ng bagyo.

    Nagpahayag naman ng pangamba ang ilang Bulakenyo sa kalagayan ng dam na ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvolcs) ay nakaupo sa Marikina West Valley Fault Line na maaaring gumalaw anumang oras  at maghatid ng lindol na may lakas na magnitude 7.2.

    Giit pa ng mga Bulakenyo, kung lilindol sa panahon na tigib ng tubig ang dam, masasalanta ng tubig na raragasa mula sa dam ang mga pamayanan sa lalawigan kung masisira ang dike nito.

    Batay sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDDRMO) lampas na sa spilling level na 212 meters above sea level (masl) ang water elevation sa dam.

    Naitala noong Sabado, Disyembre 10 ang water elevation na 215.68 masl, ngunit tumaas pa ito sa 216.69 masl kinabukasan sa kabila ng pagbubukas sa dalawang flood gate sa spill way ng dam kung saan pinadadaloy ang pinatatapong tubig.

    Noong Lunes ng hapon, Disyembre 12, napababa na ang water elevation ng Angat Dam sa 215.39 masl.  Ito ay isang araw matapos tumigil ang pag-ulan na hatid ng shallow low pressure area noong Sabado.

    “Mukhang dito na kami magpapasko, dahil babantayan namin ang pagpapatapon ng tubig,” ani Inhinyero Russel Rigor, ang chief hydrologist ng Napocor na siyang namamahala sa dam na matatagpuan sa bayang ito.

    Ito ay dahil sa nananatiling mataas ang water elevation sa dam sanhi ng pagbugso-bugsong pag-ulan sa kabundukan ng Sierra Madre, sa kabila ng kawalan ng bagyong paparating.

    Gayunpaman, binigyang diin niya na ang Angat Dam ay may kakayahang magtinggal ng tubig hanggang sa 219 masl.

    Ipinaliwanag Rigor na kakaunti ang kanilang napapatapong tubig bawat oras, dahil sa kinukunsidera nila ang mga istraktura at pamayanan sa kahabaan ng Ilog Angat na dadaluyan ng tubig patungong Manila Bay.

    “Gusto naming dagdagan ng patatapuning tubig, pero we have to consider yung dadaanan,” aniya sa isang panayam noong Linggo ng umaga.

    Binigyang diin ni Rigor na posibleng masira ang Ipo Dam at Bustos Damm kung dagdagan ang patatapuning nilang tubig.

    Bukod dito, nakiusap na sa kanila ang kapitolyo sa pamamagitan ni Gob. Wilhelmino Alvarado na magdahan-dahan sa pagpapatapon ng tubig dahil sa malaki ang posibilidad na lumubog ang mga bahayan sa gilid ng Ilog Angat sa mga bayan ng Baliuag, Bustos, Plaridel at Pulilan.

    Kinumpirma naman ito ng PDRMMC na nagsabing agad na tumawag si Alvarado sa Napocor noong Sabado, upang maiwasang mabaha ang mga residente ng mga nasabing bayan lalo pa ngayong nalalapit ang Pasko.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here