MALOLOS CITY—Kasado na ang pinagsamang earthquake at dam break drill na isasagawa sa lungsod na ito ngayong araw simula alas-8 ng umaga.
Ito ang kauna-unahang kaganapang ganito na inorganisa ng pamahalaang panlalawigan, matapos ang katulad na drill noong Setyembre 2012 sa bayan ng Calumpit na pinangunahan ng National Disaster
Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ito ay inaasahang lalahukan ng may 12,000 magaaral, kawani ng gobyerno, mga health workers at rescue groups. Ayon kay Liz Mungcal ng PDRRMC, ang pagsasagawa ng nasabing drill ay bahagi ng paghahanda ng Bulacan sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring maging sanhi ng pagkabugta ng Angat Dam.
“Batay sa mga pag-aaral, anumang oras ay maaaring lumindol at maaaring masira ang Angat Dam, kaya dapat ay handa tayo at alam ang ating gagawin,” sabi ni Mungcal. Inayunan din ito ni Gob. Wilhelmino Alvarado sa hiwalay na pahayag noong Miyerkoles.
Ayon sa punong lalawigan, may paghahanda o wala ay malaki ang posibilidad na marami ang masawi sa pinangangambahang paglindol at pagkasira ng dam. Ngunit iginiit ng punong lalawigan na mas marami ang
maliligtas kung handa ang bawat isa, kabilang na ang taumbayan at mga namumuno sa gobyerno.
Inayunan din ito ni Jojo Tomas ang MDRRMO ng bayan ng Calumpit na naging bahagi ng katulad na drill noong nakaraang taon. Ayon kay Tomas, ikinagagalak nila na mapili ang Calumpit sa pagsasagawa ng drill noong nakaraang taon dahil marami silang natutuhan. Kabilang dito ay ang akmang pagkilos ng mga tao at ng mga kagawad ng MDRRMO at mga barangay.
“Importante na maging kalmado tayo sa anumang sakuna na dumating, at bahagi ng pagiging kalmado ay ang kaalaman sa posibilidad ng sakuna at kung ano ang dapat gawin,” sabi ni Tomas. Ayon kay Tomas, sa oras
na makarating sa kanilaang babala ay agad nilang ipinahatid samga residenteng kalahok sa drill ang babala.
Bahagi nito ay paliwanag sa tao na maging kalmado at ang impormasyon kung anong oras ang posibleng pagdating ng tubig.
“May oras ng dating ang tubig kaya kalkulado namin ang gagawin at kung saan dadalhin ang mga tao,”sabi ni Tomas. Batay naman sa pahayag ni Mungcal, kung sakaling gagalaw ang Marikina West Valley Faultline (MWVF), at magsasanhi ng lindol na may lakas na 7.2 magnitude, maaaring maghatid ito ng malawakang pinsala sa lalawigam, kasama na ang Angat Dam.
“Dalawa ang paghahandaan natin,” sabi ni Mungcal at sinabing “Lindol at Dam break.” Ipinaliwanag niya na kung lilindol ng 7.2 magnitude, maaring may mga gusali sa Bulacan na mapinsala kaya isinusulong na ng Kapitolyo ngayon ang pagsusuri sa bawat gusali sa lalawigan.
Ayon pa kay Mungcal, marami ng naisagawang earth quake drill sa Bulacan, lalo na sa pamantasan.
Ito ay tinampukan ng pagtatakip ng ulo at pagsuot ng tao sa mga ilalim ng mesa o matigas na istraktura na ligtas. Kasunod nito ay ang paglilikas sa mga tao sa mga ligtas na lugar kung saan ay walang babagsak na gusali.