Ang tag-ulan dati’y hudyat ng simula
upang pagyamanin ang tigang na lupa,
ito ang panahon ng pananariwa
ng mga halaman sa mga tumana
Dati pag umulan, ang agos ng tubig
kay gandang malasin sa ilog at batis,
ang aliw-iw nito’y tila umaawit
sa pusong may lumbay ligaya ang hatid
At maging ang ihip ng hanging amihan
banayad, payapa patungong kanluran
hindi sinisindak yaong karagatan
na kapag nagalit ay umaatungal
Pati na rin ibon sa parang at gubat
ay matiwasay na nangagsisilipad,
di makikitaan ng anumang bakas
ng pagka-ligalig at ng pagka-sindak
Subalit sa ngayon, ang hatid ng ulan
ay takot sa puso nitong mamamayan,
laganap ang baha kahit saang lugar
tubig na galing sa kalbong kabundukan
Ang agos ng tubig sa ilog at batis
na dating payapa ay biglang bumangis
pati mga ibon nabasag ang tinig
na dating kay timyas pakinggan ang awit
Ang tag-ulan ngayo’y may kasamang bagyo
sa taglay na lakas nag-aalimpuyo,
walang patumangga kung ito’y bumayo
nakahihilakbot mistulang delubyo
Ang tag-ulan ngayon ay waring may poot
sakbibi ng dusa, hilahil at lungkot;
ito’y nagbabadya ng matinding takot
ng pagkabalisa at panggigipuspos
Dahil taun-taon mayroong ligalig
sa mararanasan na dala ng tubig,
kasama ang trosong nabalot sa putik
na rumaragasa sa mga dalisdis
Kailan magigising mga walang puso
na walang habas sa pagputol ng puno?
Kailan pa kikilos mga namumuno
na sa ating bayan ay naging palalo?
Ah, marahil kapag nalipol ng lahat
mga mamamayan nitong bansang liyag;
Kumbaga sa isang ma-aksyong palabas
huli kung dumating alagad ng batas!
Vhelle V. Garcia
July 4, 2013
Abu Dhabi, United Arab Emirates